DOH: 2K/araw na COVID-19 cases sa Hulyo posible sa NCR kung booster uptake kaonti
MANILA, Philippines — Kung hindi magpapaturok ng bakuna, booster at bababa ang sumusunod sa health protocols, posibleng umakyat sa 2,000 ang tatamaan ng nakamamatay na COVID-19 sa Kamaynilaan sa pagtatapos ng Hulyo, ayon sa Department of Health (DOH).
Ito ang ibinahagi ni Health Secretary Francisco Duque III, Huwebes, habang iprinepresenta ang panibagong projections ng Australian Tuberculosis Modelling Network (AuTuMN).
"Pero by end of July, pwedeng umabot 'yan ng 1,500 to about 2,000 cases daily," wika ni Duque sa panayam ng CNN Philippines kanina.
"Then after that magpa-plateau siya to below 1,000."
May ilang assumptions daw ang AuTuMN pagdating sa nasabing projections bago mangyari ang kinatatakutan:
- kung bababa ang tamang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa minimum public health standards
- kung mananatiling mababa ang nagpapaturok ng COVID-19 booster shots
- kung dadami pa ang kaso ng subvariants at sublineages ng mas nakahahawang Omicron COVID-19 variant
- "waning immunity" laban sa virus ng mga una nang nagpabakuna laban sa COVID-19
"That's why we keep reminding people to get your vaxx and then your booster once you are scheduled," sabi pa ni Duque kanina.
"Three or four months, kailangan from your last primary dose series nakapagpa-booster ka na."
Una na raw sinabi ng AuTuMN na pwede itong pumalo sa 800 hanggang 1,200 sa National Capital Region sa pagtatapos ng Hunyo, bagay na pasok din sa pagtataya ng OCTA Research Group.
Matatandaang nagbabala ang DOH at research firm na aabot sa 4,800 plus ang COVID-19 hospitalizations sa Agosto kung hindi iigi ang sitwasyon, kahit na malaki na ang napagtagumpayan ng bansa laban sa pandemya.
Mas marami ang hospitalizations na ito kumpara noong kasagsagan ng mas nakahahawang Delta variant.
Sinabi na ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nagsisimula na uling mag-peak ang COVID-19 cases sa NCR, na siyang bumababa na nitong mga nagdaang buwan. Kasalukuyang nasa pinakamaluwag na Alert Level 1 ang punong rehiyon.
Sa 70.14 milyong nakakakuha ng kumpletong COVID-19 vaccine primary series sa Pilipinas, lumalabas na 14.75 milyon pa lang ang nakakapagpaturok ng booster shots, na siyang kailangan lalo na't bumababa ang bisa ng mga naunang bakuna habang tumatagal.
Aabot na sa 3.69 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula noong 2020. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 60,484 katao.
- Latest