'Ipatupad sa buong bansa': Ka Leody aprub sa Davao City motorcade ban
MANILA, Philippines — Kahit kritiko ni vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, sang-ayon si presidential candidate Ka Leody de Guzman sa utos ng nauna na ipagbawal na ang political caravans at motorcades sa kanilang lungsod ngayong 2022 election period — bagay na dapat na raw ipatupad ng buong bansa.
Una nang nagpasa si Inday Sara, na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, ng "motorcade ban" sa Davao dahil na rin sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo na siyang nasa ika-10 sunod na linggo na.
"Ang mga campaign caravan at/o motorcade ay maaksaya at mas nagagamit pang-bandwagon ng mapeperang kandidato," wika ni De Guzman sa isang pahayag, Martes ng gabi.
"Higit pa dyan, walang naiaambag ang mga ito para itaas ang diskurso ng halalan. Sangayon ako na ang mga ganitong aktibidad ay di na dapat pahintulutan."
Ang Executive Order 10, series of 2022 ni Duterte-Carpio ay epektibo sa Davao hanggang ika-8 ng Mayo, isang araw bago ang aktwal na halalan.
Ipatutupad ang naturang EO kahit sa sariling "UniTeam" nina Duterte-Carpio at running mate na si presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
"Ang pagbabawal ng Davao City [local government unit] sa ganitong mga aktibidad ay ’di dapat magamit para pigilan ang pangangampanya ng mga katunggali ng kanilang padrino," dagdag pa ng labor leader na kumakandidato sa pagkapresidente.
Kampanyang gobyerno magpopondo
Dagdag pa ni De Guzman, mas maganda kung ang nasabing kautusan ay ipapatupad ng Commission on Elections (Comelec) sa buong Pilipinas bilang reporma sa halalan.
Magandang ipalit daw rito ay ang "sentralisadong pangangampanya" kung saan ang pagpapakilala at pagpapalaganap ng plataporma ay 'di nakabatay sa sariling kakayahan at laki ng bank accounts ng mga kandidato.
"[Dapat ay] pondohan ito ng estado at pantay na gagawin para sa lahat ng kandidato," banggit pa ng Partido Lakas ng Masa presidential aspirant.
Dati nang ipinupunto ng ilang presidential candidates sa mga nakaraang debates na dapat itong isagawa para maipakilala ang mga nais gawing programa ng mga kandidatong hindi gaano mayaman.
Sa ngayon kasi, kung hindi sariling gastos ay gumagamit ng limpak-limpak na salapi ang mga kandidato mula sa donasyon — madalas mula sa mga dambuhalang negosyante.
Dati na ring ipinanukala ni De Guzman ang pag-ban sa pre-mature political ads lalo na't pinapaboran daw nito ang mga mayayamang kandidatong may pera para gumastos nang milyun-milyon sa telebisyon at radyo bago pa man ang mismong campaign season. Aniya, mas magiging patas ang eleksyon — mayaman man o hindi — kung gayon.
- Latest