Motorcades, caravans bawal na sa Davao City
Dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo
DAVAO CITY, Philippines — Ipinagbabawal na sa Davao City nang walang “exemptions” ang pagsasagawa ng mga motorcades, caravans at iba pang kasingtulad na aktibidad ng mga kandidato matapos ang sunud-sunod na taas-presyo ng petrolyo.
Ito ay kasunod sa ipinalabas ni Vice Presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na Executive Order No. 10, series of 2022, na may pamagat na “An Order Providing Guidelines In Securing The Requisite Permit In The Conduct Of Election Campaign Activities in Davao City Until May 8, 2022”, kaugnay sa nalalapit na national at local elections sa Mayo 9.
Ang nasabing EO ay ipatutupad sa lahat maging ang mga pagdaraos ng caravans ng sariling “UniTeam” ni Mayor Sara at ka-tandem na si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos ay tinamaan.
Sa ilalim ng EO No. 10, epektibong ipatutupad ang ban sa mga motorcades at caravans lalo na kung may kaugnayan sa pulitika, dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Magtatapos ang ban sa Mayo 8, o bago ang takdang halalan sa bansa.
“There is a need to prohibit motorcades and caravans due to the continuing increase of fuel costs, the inconvenience of the traffic jams it will create and the ongoing public want due to the economic losses from the pandemic coupled with the rising prices of basic commodities,” ayon sa EO na nilagdaan ng alkalde.
Tinukoy sa EO 10 ang Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 10732, Series of 2021, na may petsang Nob. 24, 2021, na kanilang sinundan kaugnay sa mga guidelines ng pagdaraos ng in-person campaigns, rallies, caucuses, meetings, conventions at Miting de Avance maliban lang sa probisyon sa pagsasagawa ng motorcades at caravans sa ilalim ng “new normal” para sa May 9 national at local elections.
Sa ilalim din ng EO No. 10, ang lahat ng political parties at organizers ay kailangang makipag-coordinate sa kaukulang regional o district election officer para sa kanilang mga aktibidad.
Ang lalabag sa mga probisyon ng EO 10 ay may parusa sa ilalim ng umiiral na batas, ordinansaya, at rules and regulations. (ERR) ng lungsod.
- Latest