^

Bansa

'Delikado, walang expertise': Jeepney groups tutol gawing contact tracers ang tsuper

James Relativo - Philstar.com
'Delikado, walang expertise': Jeepney groups tutol gawing contact tracers ang tsuper
Protesta ng mga tsuper ng jeep sa Quezon City, habang nananawagan na makabalik na sila sa biyahe habang ipinatutupad ang mas maluwag na general community quarantine (GCQ).
AFP/Maria Tan

MANILA, Philippines — Hindi pabor ang pamunuan ng ilang asosasyon ng jeepney sa pagtratransporma sa mga tsuper bilang "contact tracers" ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong pinagbabawalan pa rin silang pumasada sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na tinitignan nila ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga tsuper na walang kita ngayong suspendido ang jeepney operations.

Sa kabila nito, pinalagan ito ng mga samahan ng jeep gaya ng PISTON, FEJODAP at ACTO sa dahilang delikado ito at wala aniya silang kasanayan para sa nasabing medical process.

Ang contact tracing ay ang prosesong ginagawa upang matukoy at maobserbahan ang mga taong posibleng nakasalamuha ng mga positibo sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).

"Kung isang tsuper ang anak ko at ganyan ang gagawin, hindi ko po papayagan," paliwanag ni Zeny Maranan, pambansang tagapangulo ng grupong FEJODAP, sa panayam ng dzBB.

"Kahit na anong gutom namin, na sinasabing seswelduhan nang P350, eh 'yung ayuda nga hindi ibinibigay eh. 'Yan pang P350, ibibigay?"

Maganda naman daw na iniisipan ng Department of Transportation at Land Transportation and Franchising and Regulatory Board kung paano bibigyan ng hanap-buhay ang mga tsuper na nga-nga sa gutom, ngunit sana'y hindi raw ito ang ginagawa dahil lubhang delikado sa kalusugan.

Miyerkules nang umabot sa 19,748 ang tinatamaan ng nakamamatay na virus sa Pilipinas. Sa bilang na ito, 974 na ang patay.

"Talagang inilalagay na nila ang mga tsuper sa isang [sitwasyon] na gusto na nilang mamatay na ito, mahawa na sila, pati ang pamilya... wala silang malasakit sa mga tsuper," sabi pa ng FEJODAP leader.

Gayunpaman, hindi naman daw pipigilan ni Maranan ang kanilang mga miyembro kung sakaling alukin nito.

Ayon naman kay Efren de Luna, pangulo ng ACTO, ginagawa lang ang suwestyon upang pakalmahin ang galit ng publiko sa aniya'y "kapalpakan" ng gobyerno sa transportasyon. Dagdag pa niya, maaaring iskema lang ito para i-phase-out ang lumang jeep dahil marami aniyang hindi nabili sa mga modernized jeep.

Dati nang sinabi ng Department of Labor and Employment na bibigyan ng trabaho ang mga tsuper sa paglilinis ng kalsada o pag-aaralin sa Technical Education and Skills Development Authority para magkahanap-buhay, ngunit hindi naman daw ito natutuloy. 

Sabi ni Roque, tinatayang nasa 120,000 karagdagang contact tracers ang kinakailangan ngayon ng gobyerno upang maidagdag sa kasalukuyang 30,000.

'Hindi kasanayan ng transportasyon'

Tutol din ang militanteng grupong PISTON sa inilulutang na panukala, sa dahilang hindi naman daw eksperto sa kalusugan ang mga drayber.

"Mahirap po sa kalagayan ng mga driver at operator... wala [silang] kasanayan sa trabaho ng mga doktor," paliwanag ni Mody Floranda, tagapangulo ng grupo, sa panayam ng PSN.

"Ang kailangan ng mga driver ay makabalik sa pamamasada at makapagserbisyo sa mamamayan."

Una nang iprinotesta ng PISTON ang jeepney ban ng gobyerno sa ngayong quarantine period, at inilalaban ang kanilang pagbabalik-pasada.

Aniya, posible naman daw i-modify ang jeepney upang makasunod sa physical distancing ang mga pasahero habang kumikita ng pera ang mga tsuper.

Matatandaang inaresto ang anim na drayber ng PISTON matapos lumahok sa isinagawang rally sa Lungsod ng Caloocan kaugnay ng kanilang panawagan, sa dahilang ipinagbabawal pa rin ang "mass gatherings."

Umaaray ngayon ang maraming komyuter papuntang trabaho dahil sa jeepney ban. Limitado lang kasi sa ngayon ang pinapayagang sumakay sa mga LRT, MRT, Philippine National Railways, ride-hailing services at taxi.

Sa ika-22 ng Hunyo pa rin tinatayang papayagan ang pagpasada ng mga UV Express, city buses at modernized public utility vehicles.

Pasang Masda payag

Sa kabila nito, hindi naman lahat ng jeepney groups ay tutol sa mungkahi. Isa na nga riyan ang PASANG MASDA.

"Ito'y isang positibong pagtulong ng ating pamahalaan sa ating mga drayber," sabi ni Obet Martin, tagapangulo ng grupo.

"Dalawang buwan na po kaming nakanganga. Wala pong hanap-buhay ang mga drayber... Ito ho ay malaking tulong sa hanay ng mga drayber."

Natitiyak naman daw ni Martin na bago sila italaga bilang contact tracer ay bibigyan sila ng mga personal na gamit upang hindi mahawaan ng COVID-19.

ACTO

CONTACT TRACING

FEJODAP

JEEPNEY PHASEOUT

NOVEL CORONAVIRUS

PASANG MASDA

PISTON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with