Hukom namumurong masibak
MANILA, Philippines — Posibleng masibak ang isang regional trial court (RTC) Judge sa Mandaluyong dahil sa umano’y pang-aabuso sa kapangyarihan dahil sa panghihimasok sa usapin ng pagkakautang ng ilang power companies sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corp.
Ayon kay Committee on Justice Chairman at Leyte Rep. Vicente Veloso, malinaw sa section 42 ng RA 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) law na ang Energy Regulatory Commission o ERC lamang ang may eksklusibong kapangyarihan sa lahat ng kasong may kinalaman sa sektor ng enerhiya.
Paliwanag pa ni Veloso, hindi pinapayagan ng batas na makialam ang anumang korte na mas mababa pa sa Court of Appeals (CA) kaugnay sa mga kasong may kinalaman sa electricity rates at iba pang power related issues.
“RTC judges should not entertain such petitions. I will bring up this matter of intervention with the Supreme Court,” sinabi pa ni Veloso dahil ang kanyang komite umano ay may oversight functions sa judiciary.
Dismayado rin si Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor na siyang dumidinig ngayon sa P95 bilyon utang ng mga power companies sa PSALM.
Iginiit ni Defensor na ang kanilang imbestigasyon ay “in aid of legislation” para matulungan ang executive branch na kolektahin ang pagkakautang sa kanila ng mga energy firms.
Ang pahayag ng mga kongresista ay kaugnay sa inihaing kaso ng South Premier Power Corp. (SPPC) sa Mandaluyong RTC na kumukuwestyon sa sinisingil ng PSALM na P23.9 bilyon na pagkakautang ng kanilang 1,200 megawatt llijan power plant sa Batangas.
- Latest