Duque pahaharapin sa Kamara
MANILA, Philippines – Pahaharapin ngayong araw sa plenaryo ng Kamara para sa question hours si Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa posibleng outbreak ng Novel-Coronavirus sa bansa.
Sinabi ni Quezon Rep. Helan Tan, chairman ng committee on Health na mahalagang marinig mismo kay Duque ang lahat ng mga impormasyon at ang totoong status ng nCoV sa Pilipinas bagama’t wala pang kumpirmado nito.
Sinalungat naman ito ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza at sinabi na kung totoo na wala pang kumpirmadong kaso ng nCov sa Pilipinas ay hayaan na muna ang Department of Health (DOH) na gawin nito ang kanilang trabaho sa ngayon.
Naniniwala si Atienza na matatawag na commercial hyperbole o pinalalaki lang ang usapin para sa kapakinabangan ng ilang negosyante lalo na at lumalakas ngayon ang bentahan ng mga face mask.
Matapos nito ay napagkasunduan ng mga kongresista na paharapin ngayong araw si Duque sa plenaryo.
Nilinaw naman ni House Majority leader Martin Romualdez na inimbitahan si Duque bilang guest lamang at hindi para gisahin.
Nais linawin ng mga kongresista kay Duque kung may katotohanan na kumakalat na ang nasabing virus sa bansa.
- Latest