Cancer patient, solo winner ng P50 milyon lotto!
MANILA, Philippines — Solong napalunan ng isang cancer patient na senior citizen ang P50 milyong jackpot prize ng 6/49 Super Lotto, na binola noong Linggo ng gabi, Disyembre 1.
Nagtungo kahapon ng umaga sa tanggapan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Marzan-Garma ang 65-anyos na lotto winner, na mula sa Cavite, upang kubrahin ang kanyang napanalunan.
Ayon kay Garma, hindi matatawaran ang kasayahang nadarama ng jackpot winner, nang personal na mahawakan ang tseke ng kanyang panalo.
Hindi umano akalain ng lola na matapos ang 30-taong pagtaya niya sa lotto ay magwawagi at masosolo pa niya ang napakalaking jackpot prize.
Nakatakda ring magdiwang ng kanyang kaarawan ang lotto winner sa susunod na linggo, kaya’t itinuturing niyang napakagandang birthday at Christmas gift ang kanyang panalo.
Matagal nang dumaranas ng nasopharyngeal cancer ang lola at isa siya sa mga beneficiaries ng PCSO, na nakakatanggap ng financial at medical assistance para sa kanyang chemotherapy.
Ayon kay Garma, Disyembre 1 nang tumaya ng lucky pick sa 6/49 Super Lotto ang lola, mula sa selling outlet sa Baclaran, at sinuwerteng napanalunan ang winning combination na 5-38-09-17-10-15.
Plano umano ng lola na gamitin ang napanalunang premyo sa pagtustos sa kanyang pagpapagamot, at pagtulong sa kanyang mga kaanak.
- Latest