Breast cancer awareness inilunsad ng Anakalusugan
MANILA, Philippines — Mahigit 200 kababaihan mula sa Sto. Tomas, Batangas ang nakilahok sa isinagawang mass demonstration upang ipakita ang tamang paraan kung paano suriin ang sarili upang maiwasan ang paglaganap o paglala ng breast cancer na isa ngayon sa mga nangungunang sakit na kumikitil sa buhay ng mga kababaihan sa bansa.
Sa pagdiriwang ng International Women’s Day na may temang “Sariling Salat Suso”, sinabi ni Anakalusugan party-list nominee Mike Defensor na hindi lamang nila nirerepresenta ang maliit na sektor ng lipunan gaya ng mga magsasaka o manggagawa, kundi nais nilang katawanin ang buong bansa, mayaman o mahirap, upang matiyak ang seguridad ng kalusugan ng mga mamamayan. Kaya naman ang nasabing grupo ay tumatakbo bilang partylist sa darating na May 13 midterm election.
Sinabi pa ni Defensor na dahil ang prayoridad at adbokasiya ng Anakalusugan ay ang seguridad ng kalusugan ng mamamayang Filipino, titiyakin nito na maibibigay ng PhilHealth at Department of Health ang maayos na serbisyo nito.
Ang tatlong prayoridad ng Anakalusugan ay matiyak na libreng maibibigay ang mga maintenance na gamot sa ilalim ng PhilHealth, libreng diagnostic tests at magbigay ng fixed allowance sa mga barangay health workers at barangay nutrition scholars.
Ipinaliwanag ni Anakalusugan nominee Ower Andal na ang pagbibigay ng libreng maintenance at diagnostic test ay malaking tulong para maiwasan ang paglala ng anumang sakit gaya ng cancer.
Iginiit din ni Anakalusugan nominee Darlo Ginete na hindi dapat binabalewala ang bahagi ng mga barangay health workers lalo na sila ay lagi rin exposed sa mga sakit gaya na lang ng tigdas na naging outbreak sa mga komunidad.
Ayon sa World Health Organization, isa sa apat na kababaihan ay nagkakaroon ng breast cancer at namamatay sa loob lamang ng limang taon.
- Latest