Opensiba kontra Abu Sayyaf inilunsad sa Sulu
MANILA, Philippines — Pinaulanan ng artillery shells at rockets ang ilang teritoryong kontrolado diumano ng Abu Sayaff sa Patikul, Sulu, Martes bilang pagtupad ng militar sa iniutos na all-out offensive laban sa grupo.
Sinundan ng ground offensive ang mga airstrike ilang araw matapos ang order na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa binombang Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo.
Dalawang MG520 attack helicopters ang nagpakawala ng rockets at bala mula sa machine gun sa nakitang 30 miyembro ng Abu Sayyaf sa mabundok na gubat ng Barangay Latih.
Pinulbos din ng militar ang Abu Sayyaf positions ng ilang rounds ng 105mm howitzer shells.
Nagsimula ang opensiba noong Martes nang makita ang mga kaaway sa kagubatan, ayon kay Col. Gerry Besana, tagapagsalita at civil military operation chief ng Western Mindanao Command.
Humihingi na raw ang mga tropa ng air at artillery support matapos mahirapan pasukin ang lugar.
“Air sorties were conducted and nine rockets and machine gun fire support were launched against the position of the Abu Sayyaf,” ani Besana.
Sinabi ng otoridad na ginagamit rin daw ng Ajang-ajang, isang grupong may kaugnayan diumano sa Abu Sayyaf, ang kagubatan bilang pansamantalang base.
Wala pa naman daw naiuulat na casualty sa panig ng pamahalaan, lalo na sa ground troops ayon kay Besana.
Nanindigan din ang spokesperson ng Westmincom na hindi maaapektohan ng opensiba ang mga komunidad ng sibilyan.
“Our ground forces are very much aware of the safety of the community and it will not just launch any bombardment if the area is inhabited by civilian community,” giit niya.
Nangako naman si Lt. Gen. Arnel dela Vega, hepe ng Westmincom, na magpapatuloy ang operasyon hangga't hindi nauubos ang Abu Sayyaf sa Sulu.
“Expect that, with the pronouncement of the Commander-in-Chief, we will intensify our focused military operations to pound down the remaining terrorists and penetrate strongholds of the Abu Sayyaf in Sulu,” sabi ni Dela Vega.
Mga sumuko
Habang nangyayari ito, apat na katao na tinukoy bilang "persons of interest" sa Jolo cathedral bombing ang sumuko sa otoridad kahapon para pabulaanan ang mga reklamo. Dalawa sa kanila ang nakita sa CCTV.
Ayon naman kay Rep. Edcel Lagman, hindi dapat gamitin ang mga terror acts nitong mga huling araw para palawiging muli ang martial law sa Mindanao.
“The bombing incident has been explicitly categorized as a terrorist attack by no less than President Duterte, the military and police leadership and administration officials, and not an act pursuant to an alleged rebellion in Mindanao,” sabi ni Lagman.
Mas malala naman daw ang stiwasyon ngayon kung walang martial law, pagtatanggol ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, itinutulak naman ng senatorial candidate na si Francis Tolentino na kailangang paigtingin ang Human Security Act of 2007.
Sa bahagi ng Palasyo, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi maaantala ng pinakabagong kaso ng karahasan ang kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao. “The movement to change the face of Mindanao and the oppressive conditions affecting its people shall move forward despite these acts of terrorism,” ani Panelo.
“The Armed Forces of the Philippines will unleash its might and weaponry against these enemies of the state and hunt them ferociously and relentlessly until the law rolls down its guillotine on them,” dagdag niya.
Islamic State?
Posible naman daw na may kinalaman ang Islamic State sa pagpapakalat ng kaguluhan para palabasing may digmaan sa pagitan ng mga Kristiyano't Muslim, ayon kay defense Sec. Delfin Lorenzana.
“It’s not that farfetched,” sabi niya sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo.
Buti na lang daw aniya na hindi ito kinakagat ng karamihan sa mga Kristiyano't Muslim. Wala pa rin naman daw nakikitang kuneksyon sa nangyaring pagpapasabog sa Jolo cathedral at mosque sa Zamboanga City.
Hindi pa naman daw napatutunayan na "suicide bombing" ang insidente.
“The theory of suicide bombing or not is hanging in the air. It appears to be a suicide bombing because there were many body parts. They are still waiting for confirmation,” wika ni Lorezana.
Aminado naman siyang nakuha rin niya ang parehong impormasyon na natanggap ni Digong na nagsasabing maaaring kagagawan ng mag-asawang Temeni ang Jolo blast. Nanggaling daw ito kay Rohan Gunaratna, na Singaporean analyst on security affairs.
Iminungkahi naman ni Rep. Jericho Nograles, itinalagang caretaker-representative ng first district ng Sulu mula pa noong Setyembre 2016, na masuri ang katawan ng dalawang biktima sa pagsabog para matukoy kung totoo ngang "suicide bombers" sila.
“If the DNA tests will confirm that these severed heads belong to foreign nationals, then we have to call the attention of the Bureau of Immigration to make necessary precautions, as well as the Coast Guard and Navy to implement all that is necessary to prevent entry in the ‘backdoors’ of the archipelago,” pagpapaliwanag ni Nograles.
Umani ng pagkundena sa mga grupong Kristiyano at Muslim ang mga pagsabog.
“We call on all sober minds to lead in this volatile situation,” sabi ni Yasser Apion, legal adviser ng Ulama Council of Zamboanga Peninsula sa isang pagtitipon sa Sta. Barbara Masjid. “Nothing could be more evil than shedding innocent blood inside God’s abode.”
“It’s un-Islamic and we are strongly condemning it,” sabi ni Abdulrauf Decampong, opisyal ng Koronadal Cit Grand Mosque, sa panayam ng The STAR.
Tinawag namang "satanista" ni Sultan Tungko Saikol, assitant regional director ng Department of Environment and Natural Resouces, ang mga gumawa ng pag-atake.
- Latest