Graft case vs ex-gov. tuloy
MANILA, Philippines — Tuloy na ang paglilitis sa kasong korapsiyon laban kay dating Antique Governor Exequiel Javier at mga kasama nito matapos ibasura ng Sandiganbayan Third Division ang apela at mosyon nito.
Kaugnay ito ng umano’y maanomalyang pagbili at paglilipat sa pribadong grupo ng isang 40-ton rice mill sa Antique na nagkakahalaga ng halos P10-milyon.
Ayon sa Sandiganbayan, wala umanong batayan para patagalin ang kaso upang bigyang hustiya ang mahihirap na magsasaka na ‘di umano nakinabang sa naturang rice mill na binili gamit ang pondo ng pamahalaan sa pamamagitan ng tinatawag na pork barrel funds ni Javier.
Taong 2007 nang umano’y gamitin ni Javier ang P9.9-milyon mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) upang bilhin ang isang 40-ton rice mill.
Ngunit inakusahan ng Office of the Special Prosecutor ang dating kongresista at mga kasama nito dahil sa umano’y paglilipat ng naturang rice mill sa Greater Antique Development Cooperative, isang pribadong samahan, kahit na lahat ng dokumento ay nagpapakitang ang naturang farm equipment ay para sa mga magsasaka sa bayan ng Patnongon, Antique.
Dahil sa walang-batayang pagbibigay ng libreng rice mill sa isang pribadong organisasyon, nagsampa ng kasong katiwalian ang Ombudsman laban kay Javier at mga kasama nito.
- Latest