1 year extension ng Mindanao Martial Law aprub!
240 Yes, 27 No
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Kongreso ang kahilingan ni Pangulong Duterte na palawigin pa ng isang taon ang Martial Law sa Mindanao.
Sa ginanap na joint session kahapon ng Senado at Kamara, pinagtibay ang Martial Law extension sa botong 240 yes, 27 no, at walang abstention.
Sa panig ng mga senador, 14 ang pumabor at apat ang tumutol habang ang House ay may 226-23 boto para sa Martial Law extension na magtatagal hanggang December 31, 2018.
Dumalo sa nasabing joint session sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, AFP chief Rey Guerrero, Executive Secretary Salvador Medialdea at Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, at iba pang Cabinet officials.
Katulad ng inaasahan ipinagtanggol ng mga naturang opisyal ang one year extension ng ML dahil sa umano’y hindi pa tuluyang natatapos ang rebelyon sa Mindanao sa kabila ng deklarasyon na nakalaya na ang Marawi City.
Agad na ginisa ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang ilang opisyal ng Duterte administration ukol sa basehan ng Martial Law extension gayong wala namang “actual combat” o rebelyon na nangyayari.
Pero iginiit ni Lorenzana na kailangan pa rin ang Martial Law para sa pagpapatuloy at pananatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Depensa ni Lorenzana, kahit liberated na ang Marawi sa Maute-ISIS group meron pa umanong nangyayaring aktibong recruitment na ginagawa ang mga ISIS inspired groups na ang puntirya ay mga Muslim na kabataan sa ilang bahagi ng Mindanao.
Inihalimbawa rin nito ang ilang insidente ng labanan sa ilang lugar sa Tawi-Tawi, Basilan, Sulu at iba pa.
Bago nagsimula ang interpellation, nagbigay ng justification si Medialdea na hindi nila intensyong magkaroon ng “unlimited Martial Law” dahil layunin lamang ng gobyerno na umiral ang pangmatagalang kapayapaan.
“We do not want an unlimited Martial Law. We only want unlimited peace,” wika ni Medialdea.
Giit ni Medialdea, lumipat na umano sa ibang lugar ang battlefield matapos ang “substantive change” sa Marawi.
Sinabi ni Medialdea, na sa kabila ng pagkamatay nina Isnilon Hapilon at ang Maute brothers, ang mga kilalang lider ng Daesh-inspired Da’awatul Islamiyah Waliyatul Masriq ay patuloy na muling itatayo ang kanilang organisasyon sa pamamagitan ng pangangalap at pagsasanay ng mga bagong kasapi, pati na rin pananalapi at logistical build up sa Central Mindanao sa paghahanda para sa isang bagong pag-atake.
Banta pa rin umano ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group at New People’s Army (NPA).
Ito na ang ikalawang extension ng martial law sa Mindanao.
Hulyo 22 nang magkaroon ng special session ang Kongreso para pagbigyan ang extension ng Martial Law hanggang Disyembre 31 matapos ang 60-day period na idineklara ni Pangulong Duterte noong Marso 23 matapos ang pag-atake ng teroristang Maute sa Marawi City.
Bagamat kinuwestyon ng ibang hindi pabor sa ML na senador at kongresista ang haba ng extension ng hinihiling na batas militar ng Pangulo, ipinagtanggol naman ng ilang Mindanaoan solon ang extension.
Ayon kay Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimpaoro, na iba ang sitwasyon sa kanilang lalawigan noong unang nagdeklara ng ML sa bansa dahil sa ngayon ay nararamdaman nila na ligtas sila dahil sa presensya ng Armed Forces of the Philippines sa mga lugar sa Mindanao.
- Latest