Warship, sea tanker ng Russia dadaong sa Maynila
MANILA, Philippines - Nakatakdang bumisita sa bansa ang isang missile cruiser ship ng Russian Navy at sea tanker sa darating na Huwebes para sa apat na araw na goodwill visit nito sa bansa.
Ito ang inihayag kahapon ni Philippine Navy Captain Lued Lincuna, Director ng Naval Public Affairs Office.
Sinabi ni Lincuna na ang guided missile cruiser Varyag at ang malaking sea tanker Pechenga mula sa Pacific Fleet ng Russian navy ay darating para sa goodwill visit nito sa bansa sa Pier 15, South Harbor, Manila sa darating na Abril 20.
Ayon kay Lincuna ang goodwill visit ng Russian Navy Pacific Fleet ships ay magsisimula sa pamamagitan ng welcome ceremony na iho-host ng Philippine Navy dakong alas-9:00 ng umaga sa Huwebes.
Nakatakda ring magsagawa ng press briefing si Varyag’s Commanding Officer Captain Alexsie Ulyanenko matapos ang welcome ceremony.
Samantalang sa Sabado, dakong alas-11:00 ng umaga ay magkakaroon din ng shipboard tour sa guided missile cruiser Varyag.
Nabatid pa na sa Linggo bandang alas-5:00 ng hapon ay magsasagawa rin ng Russian Arts and Culture kung saan ipamamalas ng Russian Cultural Dancers ang kanilang talent sa pagsasayaw at idadaos na concert sa Paco Park, sa lungsod mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
- Latest