Marantan, et al pinalaya
MANILA, Philippines - Pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa si P/Supt. Hansel Marantan at 10 pang pulis na kinasuhan ng multiple murder kaugnay sa pamamaril at pagpatay sa 13 katao sa isang checkpoint sa Maharlika highway, Atimonan, Quezon.
“Originally there were 13 accused, but Supt. Ramon Balauag was discharged as state witness while PO2 Al Bhazar Jailani remained at large from day one,” pahayag ni PNP Spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos.
Ang mga ito ay nakalaya bandang alas-9 ng gabi nitong Huwebes base sa kautusan ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34 Judge Liwliwa Hidalgo-Buco matapos magpiyansa ng P300,000 bawat isa.
Lumilitaw na pinayagang makapag-bail ang mga akusado bunsod na rin ng kabiguang maipakita ng prosecution ang ‘quantum of proof’ na guilty ang mga akusado.
Kabilang pa sa mga akusado sa Atimonan rubout sina Chief Insp. Grant Gollod, Sr. Inspector John Paolo Carracedo, Sr. Insp. Timoteo Orig, SPO3 Joselito de Guzman, SPO1 Carlos Cataquiz, SPO1 Arturo Sarmiento, PO3 Eduardo Oronan, PO2 Nelson Indal, PO1 Wryan Sardea at PO1 Rodel Talento na pawang pansamantalang nakalaya sa PNP Custodial Center.
Magugunita na 13 katao na umano’y hinihinalang sangkot sa illegal gambling ang nasawi nang harangin ng grupo ni Supt. Marantan, na noo’y deputy chief ng Intelligence ng CALABARZON Police ang convoy ng dalawang SUV na sinasakyan ng mga biktima sa isang checkpoint sa Maharlika highway, Atimonan, Quezon noong Enero 6, 2013.
Kabilang sa napatay sa operasyon ang suspected jueteng kingpin na si Vic Siman.
- Latest