Pasaway na drivers alisin sa kalye - Poe
MANILA, Philippines – Isa sa mga nakikitang solusyon ni Sen. Grace Poe sa matinding problema ng trapiko ang pagtanggal sa lansangan ng mga pasaway at hindi kuwalipikadong drivers.
Iginiit ni Poe, chairman ng Senate committee on public services sa Department of Transportation na gawan ng paraan ang napakaraming “unqualified drivers” na hindi marunong sumunod sa mga traffic signs.
Nagsagawa kahapon ng huling pagdinig ang komite ni Poe tungkol sa hinihinging emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“ One, do something about having too many unqualified drivers on the road. These people do not know or understand traffic signs, signals,” sabi ni Poe sa DOTr.
Gusto ni Poe na ang mga nakapasa lamang sa exams sa pagkuha ng driver’s license ang papayagang magmaneho sa mga lansangan.
Gusto rin ni Poe na magkaroon ng parking space o open pay-parking area para sa lahat ng behikulo sa mga barangay.
Naniniwala si Poe na kung tutuusin ay hindi kailangan ang emergency powers kung paiiralin ang disiplina.
Samantala, naniniwala si Sen. Ralph Recto na dapat pagtuunan muna ng pansin ang mga lugar na nakakaranas ng matinding problema sa trapiko katulad ng Metro Manila, Cebu at Davao at hindi buong Pilipinas.
Ayon kay Recto, mistulang walang “focus” ang DOTr kung sa buong bansa gagamitin ang emergency powers.
Lumabas din na wala pang plano ang DOTr para sa decongestion ng trapiko at gagawin pa lamang ito.
Sa Kamara ay binalewala muna ang pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Duterte upang resolbahin ang problema sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento, chairman ng House Committee on Transportation, mabigat ang konotasyon ng emergency power at marami ang hindi komportable na igawad ito sa Pangulo.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit binago na nila sa traffic crisis act mula sa dating emergency powers.
- Latest