26 OFWs minaltrato sa Kuwait nakauwi na
MANILA, Philippines - Masayang ibinalita kahapon ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na nakauwi na sa bansa ang 26 overseas Filipino workers (OFWs) na nakaranas ng pagmamaltrato ng kanilang mga amo sa Kuwait.
Ang mga nasabing OFWs na nagtrabaho bilang household service workers, ay dumating nitong Biyernes ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng Philippine Airlines flight PR 669.
Tumakas ang mga OFWs mula sa kani-kanilang employer dahil sa hindi magandang kondisyon sa mga lugar-paggawa, pagmamaltrato o pang-aabuso, paglabag sa kontrata, at ang iba ay may personal na dahilan. Sila ay pansamantalang kinupkop at binigyan ng pangangailangan ng Filipino Workers Resource Center (FWRC) sa tulong ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Bilang bahagi ng Assist WELL program ng kagawaran, ang mga umuwing OFWs ay binigyan ng tulong sa airport, transportasyon, at pansamantalang matutuluyan sa OWWA Halfway Home habang naghihintay ng kanilang pag-uwi sa probinsiya.
- Latest