No kill plot vs Poe - AFP
MANILA, Philippines – Walang namomonitor na kill plot ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban kay presidential candidate Grace Poe.
Inihayag ito ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla kaugnay sa kumakalat na balita na may pagtatangka umano sa buhay ni Poe na nangunguna sa survey sa hanay ng mga presidentiables.
“Base po sa amin dito sa aming tanggapan, wala po kaming natatanggap na ganyang report, being deputized agencies of Comelec, we continue to work with the police who are our lead for the security of the elections,” pahayag ni Padilla.
Ayon sa balita, may mga grupo umanong nais itumba o isabotahe sa pamamagitan ng karahasan ang pangangampanya ni Poe dahil isa itong malakas na kandidato.
Kasabay nito, tiniyak ng opisyal na ginagawa nila ang lahat katuwang ang PNP upang matiyak na magiging mapayapa ang campaign period, maidaos ang halalan at mailuklok sa puwesto ang mga kandidato.
Samantala, ‘generally peaceful’ ang kick off campaign ng mga presidentiables sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, malaking tulong ang kooperasyon ng mga kampo ng mga kandidato sa national level upang maisagawa at mailatag ang kaukulang security measures.
- Latest