SSL 4 baka matulad sa SSS pension hike - Marcos
MANILA, Philippines – Nangangamba si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na baka matulad ang panukalang Salary Standardization Law (SSL) IV sa Social Security System (SSS) pension hike na na-veto.
Ayon kay Marcos, tinututulan umano ng Malacañang ang pagbibigay ng dagdag na pensyon sa mga retiradong sundalo at iba pang unipormadong kawani ng gobyerno na nakapaloob sa SSL IV.
Hindi nagkasundo ang Senado at House of Representatives sa panukalang itaas ang monthly pension ng nasa 1.53 milyong retiradong government personnel na kasama sa panukala.
Nanawagan din si Marcos sa mga kasamang mambabatas na isantabi ang pulitika para makahanap ng solusyon at maayos ng bicameral conference committee at maipasa ang panukalang dagdag sweldo ng mga empleyado ng gobyerno.
Hindi pabor ang House panel sa provision para sa “indexation” o dagdad na pension para sa retiradong militar, pulis at iba pang nasa uniformed services.
“Sana naman ay isantabi natin ang pulitika at maghanap ng solusyon para sa ganun ay maibigay na natin sa mga manggagawa sa gobyerno at mga retirado ang benepisyong karapat-dapat nilang matanggap,” ani Marcos.
Kasama aniya sa dapat gawin ay ang pagsasama ng “indexation” para sa kapakanan ng mga taong inilaan ang kanilang buhay at humarap sa panganib para masiguradong tatamasahin natin ang lahat ng ating karapatan at ang payapang buhay.
Ang posisyon ng Malacañang sa panukala, na suportado ng House panel, ay walang sapat na pondo para maipatupad ang indexation.
Aabot sa P57.9 bilyon ang inilaan sa ilalim ng P3 trilyong 2016 national budget para sa unang taon ng SSS-4. Umano’y aabot sa pagitan ng P19-P21 bilyon pa ang kailangan para mapondohan ang unang taon ng indexation ng retiradong mga pulis at militar.
Sa kabila nito naniniwala si Marcos na pwedeng mahanapan ng solusyon ang naturang problema kung may basbas lamang ito ng Malacañang.
- Latest