Laban tayo ng patas! - Poe
MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ni Sen. Grace Poe ang kanyang mga magiging katunggali sa 2016 presidential elections na maglaban sila sa tamang paraan at hindi sa pamamagitan ng pagsasampa sa kanya ng kung anu-anong kaso.
Bagaman at hindi pinangalanan, sinabi ni Poe na ang dalawa niyang makakalaban sa eleksiyon sa susunod na taon ang makikinabang kung tuluyan siyang madidiskuwalipika.
“Gusto nyong gawin yan para ma-disqualify ako. Tatanggapin ko naman lahat yan. Maglaban tayo sa tamang paraan. Basta lamang ang ating isinususulong ay para sa kabutihan ng ating mga kababayan. Hindi para sa mga personal na interes lamang ninyo para kayo ang magwagi,” matapang na hamon ni Poe.
Pero nang muling tanungin si Poe kung sina Vice President Jejomar Binay at dating DILG Se. Mar Roxas ang sinasabi nitong dalawang kalaban na gustong magpa-diskuwalipika sa kanya, sumagot ang senadora ng: “Sila...sila naman yon eh.”
Nakatitiyak din si Poe na may mga taong nagsulsol para sampahan siya ng kaso sa Comelec na ang layunin ay maharang ang kanyang kandidatura.
Ang mga kalaban din umano niya ang may koneksiyon sa mga malalakas na mga law firms at mga kaalyado ng mga dati pang kumakandidato.
Nauna ng inamin ni Poe na labis siyang nadismaya sa naging desisyon ng Comelec na kinatigan ang petisyon para idiskuwalipika siya dahil sa isyu ng residency o kakulangan ng panahon na namalagi sa bansa bago nakapaghain ng certificate of candidacy sa pagka-presidente.
Iginiit ni Poe na kumpleto ang kanilang mga isinumiteng dokumento na makakapagpatunay na nasa bansa siya noong 2005 pa lamang pero sadya aniyang mahirap makakita ang mga nagbubulag-bulagan.
- Latest