Higit 100,000 mahihirap sa Metro Manila natukoy ng DSWD
MANILA, Philippines – Umaabot sa 123,270 pamilya sa Metro Manila ang natukoy na mahihirap sa isinagawang 2nd round assessment ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region mula Mayo hanggang Setyembre ngayon taon.
Sinabi ni DSWD-NCR regional director Alicia Bonoan makikita sa mga barangay hall ang mga pangalan ng natukoy na mahihirap na pamilya.
Gayunman hindi lahat ng nasa listahan ng barangay ay mapapasama sa mabebenepisyuhan ng programa ng ahensiya dahil kailangan pa itong suriin ng publiko kung lehitimong mahihirap.
Dadaan din sa validation ng local validation committee na binuo ng City Municipal Social Welfare and Development Office; city municipal planning and development office; non-government organizations at civil society organizations ang mga natukoy na pamilya upang matiyak na lehitimong mahihirap ang mga nakatala doon.
Dinagdag ni Bonoan na ang listahan ang gagamiting basehan ng pamahalaan na matukoy kung sino at nasaan ang mga pamilyang mahihirap na mabebenepisyuhan ng programang panlipunan batay sa mga itinakdang pamantayan ng ahensiya.
Kaugnay nito, hinikayat ng DSWD ang mamamayan na magtungo sa kanilang mga barangay hall at makiisa sa isinasagawang validation ng mga nasa listahan para matiyak na tunay na mahihirap ang nasa talaan.
- Latest