P800B ilaan sa Mindanao - Cayetano
MANILA, Philippines – Suportado ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang pederalismo na itinutulak ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na pinaniniwalaang magiging daan upang mapagtuunan ng pansin ang pag-unlad ng ibang rehiyon sa bansa partikular sa Mindanao at hindi lamang ng Metro Manila.
Ayon kay Cayetano, maituturing na malaking problema ngayon ng bansa ang konsentrasyon ng pondo sa Metro Manila at hindi napapagtuunan ng atensiyon ang ibang rehiyon na napansin din umano ni Duterte.
“Ang isang malaking problema ng bansa ay halos lahat ng pera ay nasa Metro Manila. Other regions are not provided with enough attention. Si Mayor Duterte, ang solusyon niya ay Federalismo,” ani Cayetano.
Halos lahat aniya ng kandidato ay nagsasabing dadagdagan ang mga proyekto pero dapat ikalat ito sa labas ng Metro Manila.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang lumikha ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng matapang na solusyon sa pagresolba sa mga problema ng bansa.
Naniniwala rin si Cayetano na marami pa rin ang nagnanais na tumakbong pangulo ng bansa si Duterte dahil sa paniwalang ito ang magdadala ng totoong pagbabago sa bansa.
Nauna ng inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 2972, o ang Mindanao Peace and Development Act of 2015, na kapag naisabatas ay maglalaan ng pondong hindi bababa sa P800 bilyon sa loob ng 10 taon sa Mindanao.
Bagamat pinupuri niya ang kasalukuyang administrasyon para sa mga kontribusyon nito sa pag-angat ng ekonomiya, sinabi ng senador na mas kailangan ang mga pangmatagalang solusyon para makamit ang pangkalahatang kaunlaran at masolusyunan ang lumalaking problema ng congestion partikular sa NCR.
- Latest