Hepe ng unit na bantay ni Bong sinibak!
MANILA, Philippines - Sinibak ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang hepe ng PNP-Headquarters Support Service dahil sa umano’y pagpuslit ni Sen. Bong Revilla sa piitan sa PNP Custodial Center para dumalo sa birthday celebration ni Sen. Juan Ponce Enrile sa PNP General Hospital noong Pebrero 14.
Sa press conference kahapon, inihayag ni Roxas ang pagsibak sa ilang opisyal ng PNP-HSS sa pangunguna ng hepeng si Chief Supt. Alberto Supapo. Papalitan ito ni Sr. Supt. Elmer Belteja.
Nabatid na imbes na dalhin sa emergency room dahil sa iniindang sakit, dinala si Revilla sa specialty ward kung saan naroon si Enrile at nagdaraos ng party para sa kaniyang 91st birthday noong Pebrero 14.
Una nang sinabi ni Revilla sa Sandiganbayan na nagpahatid siya sa kanyang mga bantay sa emergency room ng PNP General Hospital matapos siyang sumpungin ng matinding pananakit ng ulo bunga ng migraine.
Pero ayon kay Chief Insp. Raymond Santos, doktor sa PNP General Hospital na nakatalaga sa emergency room, si Revilla ay dinala sa specialty ward at hindi sa ER.
Sabi ni Roxas na maging si Sen. Jinggoy Estrada na nakapiit rin sa PNP Custodial Center ay nagtangka ring dumalo sa salu-salo sa kaarawan ni Enrile.
Bandang ala-1:25 ng hapon ayon kay Roxas nang dumaing ng sakit ng ulo dulot umano ng tumaas na blood pressure si Jinggoy at nagpahatid rin ito sa ER pero hindi dito nagpunta kundi sa party ni Enrile sa specialty ward.
“He complained of high blood but upon checkup, he’s blood pressure was normal, so ibinalik na siya sa PNP Custodial Center,” ayon kay Santos.
Hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa insidente at posibleng masampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga isinasangkot sa naturang lapses.
- Latest