Employer kinasuhan sa Pinay na nilapa ng leon - Binay
MANILA, Philippines - Kinasuhan na ang employer ng isang Pinay na nasawi matapos na lapain ng alagang leon sa Kuwait.
Ayon kay Vice President Jejomar Binay, naghain na ang Philippine government ng kasong “criminal negligence resulting to homicide” laban sa hindi pinangalanang amo ng nasawing OFW na si Lourdes Hingco Abejuela matapos na atakihin ng alagang leon ng amo.
Ipinabatid ni Consul General Raul Dado kay Binay ang pormal na pagsasampa ng kaso ng pamahalaan laban sa employer na ‘di binanggit ang pangalan.
Inaayos na rin umano ang pagpapauwi sa mga labi ni Abejuela.
“Consul General Raul Dado has informed me that they already filed a case against the employer and that the Philippine embassy in Kuwait is doing everything to repatriate the body as soon as possible,” ani Binay.
Hiniling ni Binay sa Embahada at iba pang ahensya ng pamahalaan na magtulungan upang maibigay ang lahat ng tulong sa naiwang pamilya ni Abejuela.
Sa ulat, habang naglalaba si Abejuela sa rooftop ng pinaglilingkurang bahay kung saan itinatago ang leon na alaga ng amo nang bigla siyang atakihin at kagatin ng nasabing mabangis na hayop.
Naiwan umano na nakabukas ang kulungan ng leon sanhi upang makalabas ang hayop at sagpangin sa hita ang OFW.
Dinala ang 50-anyos Pinay sa ospital subalit pinalabas din.
Nagsinungaling pa umano ang amo sa mga doktor at sinabing kinagat lang ng aso ang nasabing kasambahay na Pinay.
Disyembre 7 muling isinugod sa ospital ang biktima subalit nasawi rin noong Disyembre 10.
Sa ilalim ng batas sa Kuwait, ipinagbabawal ang mga residente na mag-alaga ng mga leon at iba pang mababangis na hayop sa kanilang tahanan.
Pinasisiyasat na ni Binay sa Embahada ang mga nangyari sa ospital nang isugod at maratay si Abejuela upang maberipika ang ulat ng matinding kapabayaan.
- Latest