Lupa na kinatitirikan ng PCMC ido-donate ng NHA
MANILA, Philippines - Nakahanda na ang National Housing Authority na i-donate sa Philippine Children’s Medical Central (PCMC) ang 3.7 ektarya ng lupain na kasalukuyang kinatitirikan ng nasabing ospital sa Quezon City.
Mismong si NHA General Manager Chito Cruz ang nangako na ido-donate ang lupain sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Health and Demography.
Nangako rin si Cruz na gagawin ang pagdo-donate sa sandaling magpalabas ng proklamasyon ang Presidente o kaya ay magpalabas ng legal opinion ang Department of Justice.
Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Teofisto Guingona III na kakasusapin niya si Justice Sec. Leila de Lima upang maipalabas ang kautusan bago mag-Pasko.
Iginiit din ni Guingona na hindi dapat palayasin ang PCMC sa kinatitirikang lupa para sa kapakanan ng mga mahihirap na pasyenteng nakikinabang sa nasabing ospital.
Umaabot na sa 34 taon na nakatirik ang PCMC sa nasabing lupain sa QC pero sinisingil ito ng P1.1 bilyon ng NHA bilang bayad sa nasabing property.
- Latest