Proklamasyon ng admin bets sa Davao, simbolo ng pagkakaisa,
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo na ang proclamation rally ng administrasyong Marcos sa Davao del Norte ay hindi isang taktika sa politika kundi isang simbolo ng pagkakaisa sa pagitan ng gobyerno at mamamayang Pilipino.
Ipinaliwanag ni Lagdameo na ang rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ay hindi pagpapakita ng lakas o impluwensya ng administrasyon, kundi isang pagsisikap na muling buhayin ang alyansa sa pagitan ng pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga matataas na politiko sa naturang probinsiya tulad ng matibay na ugnayan noong panahon ng yumaong ama ng Pangulo.
Ginanap ang rally sa Carmen, Davao del Norte, isang probinsiya na kadalasang tinatawag na “Duterte country” ng mga political analysts. Ito rin ang naging kick-off event ng kampanya ng administrasyong Marcos sa Mindanao.
“Isa itong pagpapakita kung paano gumagana ang demokrasya at pagpapatuloy ng magandang relasyon sa mga tao. Pagpapakita ito kung paano may karapatan ang mga tao na magpahayag ng kanilang saloobin. Hindi ko ito tatawaging pagpapakita ng lakas,” ani Lagdameo.
Binigyang-diin din niya na ang pagsisimula ng kampanya sa Carmen ay isang pag-alala sa kasaysayan ng probinsya lalo na sa mga masaganang taon ng mga native na produkto tulad ng saging. Isang simbolo rin ito ng patuloy na suporta ng kasalukuyang administrasyon sa pag-unlad ng naturang lugar.
- Latest