Solusyon vs droga, krimen inilatag ng ‘Alyansa’
MANILA, Philippines — Prayoridad ng mga senatorial candidate ng administrasyon na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang pagsugpo sa kriminalidad sa bansa, partikular sa Metro Manila, na kanilang binigyang-diin sa kanilang kick-off campaign sa Pasay City nitong Martes.
Ayon kay dating Senate President Tito Sotto, isa sa nakikita niyang solusyon ang pagsasanib ng mga ahensiya ng Dangerous Drugs Board at ng Philippine Drug Enforcement Agency sa paglaban sa mga krimeng may kinalaman sa iligal na droga.
Sabi ni Sotto, gusto niyang tawagin ang ahensiya na Presidential Drug Enforcement Authority na mayroong mga bureau o departamento na tututok sa enforcement, prosecution, maging pagsugpo at rehabilitation.
Si Makati City Mayor Abby Binay, nais tapikin ang mga barangay official para magsilbing frontliner para sawatahin ang palaganap ng droga at mga kriminalidad na kaakibat nito.
Para kay dating DILG Secretary Benhur Abalos, makatutulong din sa pagsugpo ng kriminalidad ang paglalagay ng mga CCTV sa bawat sulok ng mga barangay.
Pagpapalakas naman ng criminal justice system at pagbabalik ng death penalty ang hirit ni Senator Francis ‘Tol’ Tolentino.
Si dating PNP chief at former Senator Ping Lacson, sinabing kakulangan sa pag-implementa ng mga umiiral nang batas ang problema kaya hindi bumababa ang kriminalidad sa bansa.
Kasama rin sa 12-member senatorial slate ng administration sa ‘Alyansa’ sina Senator Ramon Bong Revilla, Jr., Senator Pia Cayetano, Senator Imee Marcos, Senator Lito Lapid, dating Senador Manny Pacquiao, dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo at Deputy Speaker Camille Villar.
- Latest