Dalin Liner nasampolan ng P1 M multa ng LTFRB
MANILA, Philippines – Nasampolan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P1 milyong multa ang Dalin Bus Liner na may rutang Aparri-Manila matapos mahuli sa EDSA na may expired certificate of public convenience pero patuloy pa rin ang pamamasada.
Una nang pinagpapaliwanag ng LTFRB board ang pamunuan ng naturang bus company kung bakit ayaw mag-renew ng kanilang franchise.
Dahil sa patuloy na pag-isnab ng Dalin Liner sa utos ng LTFRB, tuluyan nang ipinatigil ng ahensiya ang operasyon nito.
Sinasabing upang makapasada pa rin kahit expired ang franchise ay nabiyahe pa rin ito sa pamamagitan ng paggamit ng ibang plaka ng kanilang sasakyan.
Ayon sa LTFRB, mula November 26,2001 ay expired na ang franchise ng naturang bus company.
Inatasan na rin ng LTFRB na isurender sa ahensiya ang yellow plates ng kanilang mga bus units at pinagmumulta ito ng P1 milyon para sa isang unit ng bus company na nahuli ng mga operatiba ng ahensiya kahapon na namamasada sa may Balintawak, QC na nangongolorum.
Pinayuhan din ni LTFRB Chair Winston Ginez ang mga pasahero na huwag sasakay sa alinmang bus ng Dalin Liner dahil kapag nasangkot ito sa aksidente ay hindi sila mabibigyan ng kaukulang tulong nito dahil wala na itong permit na mag-operate.
- Latest