Napoles pinalilipat na sa Taguig jail
MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ng Sandiganbayan 3rd division na ilipat na si Janet Lim Napoles sa female dormitory ng Camp Bagong Diwa sa Taguig mula sa detention cell nito sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Ang kautusan ng graft court ay bilang tugon sa request ng prosekusyon mula sa tanggapan ng Ombudsman na ang isang indibidwal na may kasong plunder ay nararapat na makulong sa isang regular na piitan.
Ibinasura ng graft court ang kahilingan ng kampo ni Napoles na huwag ilipat sa isang regular na kulungan dahil ito umano ay may banta sa kanyang buhay.
Niliwanag ng prosekusyon na ang isang indibidwal na may kasong kriminal ay dapat nasa kustodiya ng BJMP at hindi ng PNP.
Nang matanggap ang commitment order ng Sandiganbayan ay agad namang tinupad ng mga BJMP personnel ang naturang kautusan laban kay Napoles.
Si Napoles ay nakulong sa Fort Sto. Domingo sa Laguna mula September 2013 matapos sumuko sa Malakanyang noong August 2013 makaraang makasuhan ng serious illegal detention ng pangunahing pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy.
Si Luy ay naging tauhan ni Napoles bilang assistant at naging finance manager sa mga non-government organization ni Napoles na sinasabing ginamit para makakuha ng komisyon ang mga mambabatas mula sa kanilang pork barrel fund.
Makakasama ni Napoles sa kulungan si Gigi Reyes, dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na kapwa akusado sa plunder at graft.
- Latest