Noy bibisita sa Bohol
MANILA, Philippines — Tutulak patungong Bohol si Pangulong Aquino ngayong araw upang makita niya mismo ang kalagayan ng probinsyang tinamaan ng magnitude 7.2 na lindol noong nakalipas na taon.
Nauna nang inihayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na ang biyahe ng pangulo sa Bohol ay bahagi ng programa ng Malakanyang para sa Araw ng Paggawa.
Aniya, ang pagbisita mismo ni Aquino sa Bohol ay pagpapatunay na seryoro ang administrasyon sa pangako nitong pagpapasigla ng ekonomya upang magkaroon ng mas maraming trabaho para sa Pilipino.
Pangungunahan ni Aquino ang pagbubukas ng Bohol Fabrication Laboratory (Fablab) at ng Bohol Island State University sa Tagbilaran City.
Ang Bohol Fablab ay isang technical prototyping platform na itinatag upang pagibayuhin pa ang kakayanan ng creative industry sector ng probinsya.
Kabilang sa mga makabagong kagamitan na titingnan mismo ng Pangulo ay ang isang laser cutter, isang high-resolution milling machine, isang 3D printer-scanner, sewing at embroidery machine, drying machine, LED TV, laptop at video conferencing equipment.
Bago sumapit ang Araw ng Paggawa, nakipagpulong si Pangulong Aquino sa ilang grupo ng mga manggagawa.
Sa kabila ng pagharap mismo ng pangulo sa kanila, hindi kuntento ang mga dumalong lider ng mga grupo dahil sa kawalan ng konkretong pangakong binitiwan si Aquino.
Matagal na ring hinihiling ng mga grupo ng manggagawa ang accross-the-board na pagpapataas ng buwanang sahod.
- Latest