Random drug test isinulong sa Kamara
MANILA, Philippines - Isinulong ng dalawang mambabatas na gawin na lamang batas ang random drug test para sa publiko kasama na rin ang mga estudyante.
Sa ilalim ng House Bill 3698 na inihain nina CagaÂyan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep. Maximo Rodriguez Jr. iginiit ng mga ito na dapat nang palitan ang sistema ng mandatory drug test dahil hindi ito epektibo.
Ito ay dahil sa lumalabas umano sa records ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sa 14 na milyong sumailalim sa mandatory drug test sa ibat ibang laboratoryo sa buong bansa ay .006 lamang ang nagpositibo dito.
Nakasaad pa sa panukala ng magkapatid na Rodriguez, random drug test na ang gagawin sa mga estudyante, high school at kolehiyo gayundin sa mga kumukuha ng lisensya sa pagmamaneho, lisensya ng baril at permit to carry firearms outside of residence.
Gayundin sa mga pribado at pampublikong opisyal at empleyado pati mga sundalo at pulis pati miyembro ng iba pang law enforcement agencies.
Bukod dito hindi rin ligtas sa random test ang mga kandidato sa alinmang halal na posisyon at iyong mga naitalaga sa ibat ibang pwesto sa gobyerno.
- Latest