Bauan mayor inisnabKamara, inaresto sa NAIA
MANILA, Philippines — Diretso kalaboso sa detention cell ng Kamara si Bauan, Batangas Mayor Ryanh Dolor matapos itong arestuhin paglapag sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City mula sa biyahe nito sa Amerika, kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni House Sergeant-at-Arms ret. P/Major Gen. Napoleon Taas, inaresto si Dolor nang pinagsanib na elemento ng security personnel ng Kamara, PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Aviation Security Enforcement Unit (AVSEU) at Bureau of Immigration sa bisa ng contempt and detention order ng Kamara.
Ayon kay Taas, si Dolor, 45, ay pinatawan ng contempt dahil sa pang-iisnab sa pagdinig kaugnay sa pagsasapribado ng Bauan Waterworks System (BWS).
Kabilang din sa pinatawan ng contempt at detention order sina Aquada Inc. President Joseph Yu at Vice Pres. Jonathan Yu.
Ang tanggapan ng alkalde ay nagsumite ng travel authority na nilagdaan ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na nagpapahintulot dito na bumiyahe sa Estados Unidos mula Marso 11-26 ng taong ito sanhi ng problema sa kalusugan.
Pero kinuwestiyon ng Kamara ang kawalan ng medical records ni Dolor upang bigyan katwiran ang tatlong beses na hindi nito pagdalo sa pagdinig.
- Latest