8 election hotspots sa Calabarzon, tinukoy
MANILA, Philippines — Walong election hotspots ang tinukoy ng Police Regional Office (PRO) 4-A sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) kaugnay ng gaganaping midterm polls sa Mayo 12.
Sa report ni PRO-IVA Director P/Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas kabilang dito ang mga bayan ng Santa Maria sa Laguna; Mataas na Kahoy, San Jose, Taal at maging ang Tanauan City na pawang sa lalawigan ng Batangas.
Gayundin ang Candelaria at San Francisco mula naman sa lalawigan ng Quezon.
Ang nasabing mga lugar ay pawang nasa yellow category ng Comelec o yaong mga may kasaysayan ng mga bayolenteng insidente o karahasan sa tuwing gaganapin ang halalan.
Samantala, ang bayan ng Tagkawayan, Quezon ay nasa ilalim ng orange category o may seryosong banta mula sa mga armadong grupo. Sa nasabing bayan ay may namumugad na mga rebeldeng New People’s Army (NPA) bukod pa sa mainitang labanan sa pulitika.
Nasa 197 PNP personnel ang sinanay ng Comelec upang maging deputado bilang mga Special Electoral Board members sa naturang mga election hotspots.
- Latest