2 Pinoy patay sa nagbanggaang barko sa Netherlands
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na narekober na ang katawan ng dalawang tripulanteng Pinoy na unang iniulat na kabilang sa tatlong crew na nawawala matapos na bumangga ang kanilang sinasakyang barko sa isa pang barkong pangisda sa North Sea sa Netherlands noong Lunes.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa The Hague, sinabi ni DFA Spokesman Raul Hernandez na ang dalawang nakitang mga bangkay sa karagatan noong Miyerkules ay ang dalawang Pinoy na nawawala.
“The bodies found were identified as those of the two Filipinos,†ani Hernandez.
Ang mga Pinoy na sina Captain Dennis Sabang at Edwin Javier kasama ang isang Indonesian crew ay unang iniulat na nawawala noong Lunes nang bumangga ang kanilang sinasakyang barkong M/V Maria sa isang fishing trawler Texel 68 noong Oktubre 7 dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa Dutch Coast, may 40 kilometro southwest ng Deutch Navy Port ng Den Helder. Dalawang crew ang nasagip sa insidente.
Sinabi ni Hernandez na ipinagbigay-alam na sa kanilang pamilya ang pagkaka-rekober sa dalawang Pinoy seamen matapos na positibong kilalanin ng Dutch Maritime Police ang mga bangkay.
Madali umanong nakilala ang mga biktima dahil suot pa ni Sabang ang kanyang identification card o ID nang marekober ang katawan nito ng Dutch Coast Guard at mga divers.
Inihahanda na ng DFA at Embahada ang repatriation sa mga labi ng dalawang tripulante pauwi sa bansa.
- Latest