No travel advisory vs US - DFA
MANILA, Philippines - Sa kabila ng magkasunod na pagsabog sa Boston at Texas na ikinasawi ng maraming katao, hindi pa rin magpapalabas ng travel advisory ang pamahalaan na pumipigil sa mga Pinoy na magtungo sa Estados Unidos.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, hindi pa maipapayo at napanahon na magpalabas ng abiso ang DFA para sa mga kababayang Pinoy na mag-travel patungong US maging sa dalawang lugar na naapektuhan sa pambobomba at pagsabog.
Gayunman, pinapayuhan ang libu-libong Pinoy sa US na manatiling mapagbantay at patuloy na i-monitor at iobserba ang kanilang lugar at umiwas na magtungo sa mga matataong lugar o sa mga pampublikong pagtitipon.
Base sa report ng Philippine Consulate sa New York, walang Pinoy ang nadamay o nasaktan sa Boston Marathon twin bombings noong Lunes na ikinasawi ng tatlo katao at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa na sinasabing pangalawang insidente na ng pag-atake simula nang maganap ang 9/11 bombings sa Estados Unidos.
Kinumpirma din ni Hernandez na walang Pinoy casualty sa massive explosion sa West Fertilizer Company sa West Texas noong Abril 17 kung saan umakyat sa 35 ang patay habang tinatayang mahigit 200 katao pa ang sugatan. Kabilang sa mga nasawi ang 15 bumbero, 4 na empleyado ng naturang planta at dalawa pang fire volunteers na nagtangkang umapula sa malawakang sunog bunsod ng matinding pagsabog dulot ng hinihinalang 54,000 pounds ng anhydrous ammonia na ikinadamay ng may 70 kabahayan at gusali sa lugar.
Patuloy ang search and retrieval operations sa naturang lugar kung saan hinihinalang marami pa ang na-trap at nasunog.
- Latest