Aswang Territory (29)
NAALALA ni Armani ang kaninang tanong sa nobyang aswang na hindi pa nito nasagot.
“Avia, paano ka nga maging tao na tulad ko?”
Bumuntong-hininga si Avia bago sumagot. “Napakahirap pero posible naman, Armani. Kailangan mamatay muna ako.”
“What?”
“Pagkatapos kong panawan ng buhay, kailangan hindi lalampas sa sampung segundo para ako ay mapainom ng pinakapurong tubig mula sa kalikasan. Kailangang mabuhusan ang aking bibig ng ganitong tubig para may makakarating hanggang sa kaloob-looban ng aking katawan. At ito ang muling bubuhay ng aking sirkulasyon at magpapatibok ng aking puso. Sa muli kong pagkabuhay, hindi na ako aswang, tao na ako.”
Napaisip si Armani. “Mahirap nga pero posible naman. Kailangan lang laging may nakahandang purong tubig ng kalikasan. Kailangan kumuha ako ng ganoong tubig at dala-dala ko ‘yon sakaling bigla kang mamatay. Avia.”
“Pero hindi ganoon kadali, Armani.”
“Ano’ng ibig mong sabihin, Avia?”
“Dapat, sariwang-sariwa ang tubig mula sa batis na napakalinis, o kahit mula sa waterfalls.”
“Ha? Mismo doon sa batis o waterfalls nakuha kaagad ang tubig at ipapainom sa ‘yo?”
“Tama. Wala nang bisa kapag dumaan ang kahit kalahating oras man lang bago mo maipainom sa akin ang tubig.”
Nanlumo si Armani. “Napakahirap nga. Kailangang makainom ka ng ganoong tubig bago matapos ang sampung segundo. At kailangan bagong hango ‘yung tubig sa batis o waterfalls bago ipapainom sa iyo. Dapat pala doon na tayo tumira sa may batis o waterfalls na malinis.”
“At doon din ako mamamatay ...”
“Pero sino ang papatay sa iyo?”
“Isang aswang din.”
Napailing na lang si Armani. “Lalong nagiging imposible. Hindi naman pala talaga posible. Sino namang aswang ang papayag na papatayin ka para lang muli kang mabuhay at magiging tao na?”
“Iyon na nga, Armani. Kaya nga huwag na lang nating pangarapin. Okay na ito. Na ikaw ang sasama sa aking mundo. Dahil payag ka naman, hindi ba?” - ITUTULOY
- Latest