^

Para Malibang

Kontribusyon ng Pang Masa ‘di nabibilang sa numero

Joy Cantos - Pang-masa
Kontribusyon ng Pang Masa �di nabibilang sa numero
Ang PM ay pu­maimbulog sa kasay­sayan magdadalawang dekada na kung saan nagdiriwang ito ng ika-18 taon nitong anibersaryo ngayong araw (Disyembre 8).
Photo Release

MANILA, Philippines — Ang mga jeepney drivers na noon ay namamalimos sa kasagsagan ng COVID-19

Minsan pa ay pinatunayan ng Pang Masa (PM) na ang kontribusyon nito sa hanay ng mga mamba­basa sa diyaryong tab­loid ay tunay na hindi nabibilang sa numero o gaano na ito katagal sa industriya partikular na sa panahong na­haharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Ang PM ay pu­maimbulog sa kasay­sayan magdadalawang dekada na kung saan nagdiriwang ito ng ika-18 taon nitong anibersaryo ngayong araw (Disyembre 8).

Naging kaagapay ng mambabasa ang PM sa paghahatid ng mga sariwang balita simula ng mailim­bag ito hanggang sa pinakamatinding pag­subok na gumimbal sa buong mundo sa pagharap sa hamon ng krisis sa kalusugan.

Nagpapasalamat ang diyaryong ito sa patuloy na pagtangki­lik ng mga mambabasa na naging bahagi na ng libangan ng mga masugid nitong ta­gasubaybay partikular na ang hanay ng mga maralita.

Tunay na kapupu­lutan ng kaalaman ang mga balita sa Pang Masa mula sa nagla­lakihang mga kagana­pan sa halos lahat ng dako ng Pilipinas mula Aparri hanggang Jolo sa mga sariwang balita, libangan at maging sa sports o palakasan.

Sa panahong ito, mainit na pinag-uu­sapan ang presiden­tial elections at kung paano mangangam­panya sa panahon ng pandemya. Dito’y papasok na rin ang online campaigning ng mga kandidato, interbyu via zoom at pakikipag-ugnayan sa mga netizens partikular na sa mga botante sa pamamagitan ng online platform. Makakaasa ang mambabasa na iha­hatid ng PM ang mga sariwang kaganapan sa inaabangang presi­dential elections.

Dito’y muling pa­patunayan ng PM na maililinya ito sa mga nangungunang tabloid sa industriya ng di­yaryo sa pagtutok sa mga balita at maihatid ito sa publiko.

Ang PM ay mag­sisilbing boses ng ka­totohanan upang mag­karoon ng gabay ang mga Pilipino na maka­pili ng karapatdapat na Pangulo na ihahalal at iluluklok sa posisyon.

Kani-kaniyang gimmick sa pulitika ang mga kandidato, pasiklaban habang may ilan ding ipinapakita ang pagmamahal sa bayan at hangaring baguhin ang sistema ng pamamalakad sa gobyerno na nabahiran ng garapalang korap­syon.

Ang mga presiden­tiables ay tututukan ng diyaryong ito ang mga galaw, pangako sa bayan at kung may tibay na masasandi­gan ang mga Pinoy sa ilalantad na plataporma sa gobyerno ng ilu­luklok na lider lalo na sa nasyonal na isyu kabilang na ang pag­tatanggol sa soberen­ya ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Gayundin sa pagre­kober ng ekonomiya na matinding naapek­tuhan ng COVID at patuloy na pagtugon sa krisis sa kalusugan kabilang ang mga nagsulputang bagong variants ng virus mula Delta variant at ngayon naman ay ang Omicron na kumakalat sa South Africa habang may mga kaso na rin nito sa Botswana, Eswatini, Lesotho, Namibia at Zimbabwe.

Sa panahon ng pandemya, maraming pamilya ang dumaing ng gutom dahilan sa mga nawalan ng tra­baho at ‘di sapat ang ayuda na galing sa gobyerno.

Sa halos 2 taong lockdown, maraming mga negosyo ang nagsipagsara habang ang sektor ng turis­mo ang matindi ring tinamaan ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Bukod dito nag-shutdown din ang ilang mga hotel at hindi na normal ang pamumu­hay ng mga Pilipino na patintero sa virus para buhayin ang ka­nilng pamilya ika nga sa gutom mamamatay at hindi sa COVID-19.

Isa rin sa mainit na paksa sa mga balita ng PM ay ang serye ng pagsirit ng presyo ng gasolina kung saan maging ang mga pangunahing bilihin ay sumunod na ring nag­sipagtaas na dagdag pasanin sa mga mahi­hirap.

Samantalang ang pagbaha ng mga smuggled na gulay galing China sa mga lokal na merkado ay nagpabagsak naman sa hanapbuhay ng mga lokal na magsasaka.

Ilan lamang ang mga kaganapang ito sa matinding tinutukan ng PM sa panahong binago ng pandemya ang pamumuhay ng mga tao.

Abalang abala ang mga medical frontliners sa mga pasyente ng COVID-19

Sa kabila ng pandemya, nasaksihan ang pagtutulungan ng mga Pinoy sa pamamagitan ng inilatag na mga community pantry.

Ang mga puslit na sibuyas na galing China na nasabat ng Bureau of Customs.

Mahina na raw ang diyaryo? Hindi sa mata ng Pang-Masa

Ni June g. Trinidad

Labing walong taon na ang diyaryo ng masa ang PM (Pang Masa), kumbaga sa isang babae ay ganap na siyang dalaga at titingalain ng mga binata at liligawan.

Ganun din ang di­yaryong PM, sa 18 taon nitong sirkula­syon ay patuloy na lumalakas at nagpa­patuloy sa kabila ng pandemya.

Marami ang nag­tataka kung may bu­mibili pa ng diyaryo sa panahon na high tech na ang mundo.Ang sagot ko ay oo.

Kasi kung walang tumatangkilik ng di­yaryo ay matagal na itong nagsara. Mara­hil sa patnubay ng Diyos at mga tao na nasa likod ng pagpa­patakbo ng PM ay patuloy itong tina­tangkilik ng masa.

Pero ang tanong ng ilang kakilala ko ay humihina na raw ba ang dyaryo? Ito kasing kakilala ko ay laging hawak ang kanyang cellphone para magbasa at ma­nood ng balita na nangyayari sa ating kapaligiran sa pama­magitan ng internet.

Minsan nga bu­mibili ako sa tindahan ng pintura ay narinig ko ang isang kustomer na naghahanap ng di­yaryo kasi hindi na raw uso ang diyaryo sabi ng tindero.

Kaya pala nagha­hanap ng diyaryo ay para lang ipansapin sa tulo ng pintura sa pag­pipintura ng kanilang pader.

Hindi ako kumibo dahil alam ko may mga nagbabasa pa rin ng diyaryo lalo na yung mga jeepney driver na may diyaryo sa harap ng upuan na kung saan minsan ay nakikibasa ang mga pasahero na nakaupo sa harapan.

May nagtitinda pa rin ng mga diyaryo sa mga bangketa at may bumibili pa rin kahit na mabilis na access sa internet para sa balita na nais nilang mabasa kaya’t hindi dapat mangyari na mawala ang diyaryo lalo na ang tabloid da­hil may mga balita na hindi naman lahat ay mababasa o makikita sa internet.

Pero, sa mata ng Pang Masa ay dapat pahalagahan ang mga diyaryo at tabloid na dapat magpatuloy upang maabutan pa ng mga susunod na henerasyon ang mga diyaryo na kinagis­nan.

Hindi dapat iasa lagi sa internet ang mga mababasang balita dahil hindi lahat ay totoo o tinatawag na “fake news” dahil darating ang araw ay hahanapin din ang ganitong mga bagay.

Hindi masama ang pag-unlad ng teknolo­hiya o kagamitan da­hil ang mahalaga ay hindi malimutan ang makalumang pama­maraan ng pagbabalita na kinagisnan ng ating mga magulang alang-alang sa bagong hen­erasyon.

Kahit na nasasa­pawan na ng mga bagong teknolohiya ang makalumang pamamaraan ng paghahatid ng balita ay maaasahan at ma­papakinabangan pa rin ang pagbabasa ng di­yaryo sa mata ng Pang-Masang Pinoy at ‘wag hayaang itong mawala.

Kaya ngayong 18 taon na ang PM ay tiyak ko na ang mga tabloid tulad nito na magpapatu­loy sa sirkulasyon ka­hit na pabagu-bago ang teknolohiya sa mundo.

Patuloy pa rin ang pagbebenta ng diyaryo sa bangketa

Dahil sa bagong teknolohiya ay sa cellphone o laptop na langnagbabasa ng balita ang ilan nating kababayan lalo na yung may mga internet sa kanilang bahay.

Pang-Masa: ‘Ganap’ nang palaban, maaasahan

Ni Jo Cagande-Reducto

Masasabing ganap na sa kanyang kasibulan ang isang dilag pagtuntong ng ika-18 taon, ngayong 2021 sa kanyang ak­tibong sirkulasyon at ‘di natitinag na palaban at maaasahan ang mga imporma­syon, ang PM (Pang-Masa) ay ganap na ngang tumatak sa dumarami pang mga mambabasa nito.

Sinong mag-aaka­la na ang hamong hi­narap at nalampasan ng PM sa kanyang pa­giging baguhang tab­loid nang una itong humilera sa mga pa­hayagan noong 2003 ay bahagi pa rin ng sirkulasyon sa kasa­lukuyan at kabilang sa nakikipag-girian sa hambalos ng pan­demya.

Sa ekspresyon nga ng mga kabataan, “konting kembot na lang”…doble na ang dekadang mamarka­han ng PM. Mani­niwala ba kayo na ang hinahangaan at madalas ay ginagayang pahayagang ito ay nagsimula lang sa pangarap.

Ang ama ng Star Media Group na si Boss Miguel Bel­monte, Pres/CEO ang nasa likod ng pangarap. Sa simu­la, hangad niya ang isang pahayagang pang-hapon pero mas minabuti niya na magkaroon ng isa pang pahayagan na makakasabay ng Pili­pino Star NGAYON.

Kaya naman ipi­nanganak ang PM, na minsan din binansa­gang Panganay ni Miguel.

Ang matinding kompetisyon sa hanay ng tabloid ay hindi naging madali sa noo’y baguhan pa lang na PM. Pero buo ang de­terminasyon ng buong patnugutan nito, mula sa mga section edi­tors, reporters, photo­journalist kasama ng production section, sa ilalim ng hurisdiksi­yon ng unang Editor-in-Chief na si Al Pe­droche, naitawid ang bawat mapanghamong mga taon sa pagsisimula ng PM.

At ngayon sa kan­yang ganap na es­tado bilang palaban at maaasahang pa­hayagan sa pangangasiwa ng humaliling si Ma’am Jo Lising-Abelgas bilang Editor-in-Chief ay nagpapatuloy ang PM sa kanyang layunin kahit sa gitna ng krisis ng pandemya.

Naalala ko lang, kasama ang inyong lingkod sa sinasa­bing “Panganay ni Miguel”, pabirong bansag ng unang news section editor nito na si Sir Andi Garcia. Sa PM bi­lang correspondent ako nagsimula, CA­MANAVA police beat. Katulad ng PM, baguhan din ako noon, fresh grad. Ipi­napaabot ko po ang taus-pusong pasasalamat sa pagtitiwala at sa maraming ka­ranasan na hanggang ngayon ay nagtuturo ng mahalagang aral sa akin.

Isang ka­rangalan na maging bahagi ng inspiring humble beginning ng PM at sa patuloy na pamamayagpag nito sa sirkulasyon ng peryodiko sa kan­yang ika-18 taon. More years to come, PM. Glory to God!

Angat pa rin ang PM na nakikipagsabayan sa mga datihang diyaryo sa sirkulasyon.

vuukle comment

PANG MASA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
March 18, 2020 - 12:00am
fbtw
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with