Iwas ‘stroke’ (1)
Ngayong darating na kapaskuhan at bagong taon ay maraming pagkain ang ating kakainin nandiyan ang hamon, matatamis na mga panghimagas at kung anu-ano pang masasarap na pagkain. Ngunit ano nga ba ang kaakibat na panganib dulot ng mga makokolesterol na pagkain? Isa na rito ay ang stroke na lubhang mapanganib na sakit na nagdudulot ng matinding pinsala sa katawan ng taong na-stroke. Ano nga ba ang stroke? Paano natin ito maiiwasan upang sagayon maging ligtas ang ating sarili sa sakit na ito? Ang stroke o atake sa utak ay nangyayari kung ang supply ng dugo sa bahagi ng utak ay bigÂlaang naharang o kung ang isang ugat ng dugo sa utak ay pumutok, at kumalat ang dugo sa puwang na pumapaligid sa mga selula ng utak. Tulad ng taong nakararanas ng pagkawala ng dugong dumadaloy sa puso ay sinasabing nagkaroon ng atake sa puso, ang taong naubusan naman ng dugong dumadaloy sa utak o biglaang pagdurugo sa utak ay maaari ring sabihing nakararanas ng atake sa utak o brain attack.
Ang pagkaparalisa ay karaniwang katangian ng atake sa utak, at madalas ay sa isang bahagi lang ng katawan (hemiplegia). Ang pagkaparalisa o panghihina ay karaniwang nakaaapekto lamang sa mukha, isang kamay o paa, o maaari rin sa buong gilid ng katawan o mukha.
Ang taong nakararanas ng atake sa utak sa kaliwang bahagi ng utak ay magpapakita ng pagkaparalisa (bahagyang paralisis ng motor na gawain) sa kanang bahagi ng katawan. At kung ang atake sa utak ay tumama naman sa kanang bahagi ng utak, ang pagkaparalisa ay makikita sa kaliwang bahagi ng katawan.
Ischemia ang salitang ginagamit upang ilarawan ang pagkawala ng oxygen at sustansiya sa mga selula ng utak kung nagkakaroon ng ‘di tamang daloy ng dugo sa utak. Karaniwang humahantong ang ischemia sa impeksyon, ang pagkamatay ng mga selula ng utak, na karaniwang pinapalitan ng mga puwang na puno ng likido sa napinsalang utak.
- Latest