Sino ang tatanghaling Reyna ng Aliwan 2018?
MANILA, Philippines — Inaasahang higit na mag-iinit ang labanan sa taunang selebrasyon ng Aliwan Fiesta sa paglahok ng 20 naggagandahang dilag sa timpalak ng Reyna ng Aliwan, na gaganapin sa maningning na mga pagtatanghal sa ika 27 at 28 ng Abril.
Inilahad na ng Manila Broadcasting Company ang listahan ng mga kalahok sa taong ito, na suportado muli ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at mga lungsod ng Maynila at Pasay.
Mula sa Luzon sina Karla O’Hara dala ang Panagbenga festival ng Baguio; Chanel Mistyca Corpuz para sa Abrenian Kawayan festival ng Abra; Joy Mayanne Barcoma para sa Talong festival ng Villasis, Pangasinan; Lady Justerinnie Santos na kakatawan sa Singkaban festival ng Bulacan; Micaela Manuel para sa Halamanan festival ng Guiguinto; Radhell Berbon dala ang Tagultol festival ng Atimonan; Ella Mariz Cayabyab para sa Boling Boling festival ng Catanauan; Ashanti Shane Ervas, kinatawan ng Niyogyugan festival ng lalawigan ng Quezon; at si Maristela Santiago, dala naman ang Tayo Na sa Antipolo Maytime festival.
Hindi magpapaawat ang mga Bisaya. Ipapadala ng Caluya, Antique si Joyce Marie Sebio para sa Binirayan festival. Kinatawan naman ng Iloilo Paraw Regatta si Keziah Bartolome. Susubukan ni Shaila Mae Rebortera na mapanatili ang korona sa Sinulog festival ng Cebu, habang lalaban naman ng husto si Chelsea Fernandez ng Sangyaw festival ng Tacloban para sa mga Waray.
Mula sa Mindanao, buo ang delegasyon ng kariktan mula sa Region 12: Arl Banquerigo para sa Munato festival ng Sarangani; Sharifa Mangatong Areef Mohammad Omar Akeel para sa Kalimudan festival ng Sultan Kudarat; gayundin sa mga taga- General Santos City na sina Novie Shane Leonerio para sa Tuna festival at Elizabeth Bills para sa Kalilangan festival. Dala naman ni Chrislyn Jabonero ang dangal ng Kalivungan festival ng North Cotabato. Manggagaling naman sa Zamboanga del Norte si Jackie Ruth Urongan para sa Salug festival, at Zamboanga del Sur si Bianca Iraham ng Zamboanga para sa Hermosa festival.
Ang magwawagi bilang Festival Queen ng Aliwan Fiesta 2018 ay mag-uuwi ng isandaang libong piso (P100,000) at tropeo, bukod sa pagiging ambassadress of goodwill ng turismo. Gaganapin ang pageant night sa ika-27 ng Abril sa harap ng Aliw Theater sa CCP Complex, samantalang ang coronation night ay susunod sa Grand Parade ng ika-28 ng Abril.
Para sa karagdagang detalye mag-email sa [email protected] o tumawag sa 832.6125 / 555.3477. Maaari rin tingnan ang official Facebook page ng Aliwan Fiesta o ang website sa www.aliwanfiesta.com.ph
- Latest