Dahil sa organic na mga pagkain, Binoe proud sa katawan na pang-18 years old
Nadagdagan ng raket ngayon si Robin Padilla dahil may bago siyang endorserment na tinanggap, ang Ascof Lagundi Forte. At ito ay sa kabila na may post siya recently na gusto na niyang lumayas sa Pilipinas.
Kaya naman natanong siya sa press launch kahapon ng nasabing produkto kung makakapigil ba ang bago niyang endorsement para magbago ang kanyang isip na umalis ng Pilipinas.
Pero paliwanag ni Binoe, ang pagiging organic naman daw ay walang pinipiling lugar.
“Kahit saan man ako makarating, hindi naman kami siguro bibitaw sa Pascual (ang kumpanya na nagma-may-ari ng Ascof), siguro kahit hindi naman kami nagkita ng Pascual o kahit may Ascof o wala, tuluy-tuloy ako sa organic revolution,” say ni Binoe.
Matatandang nag-post ang action star sa kanyang Instagram account nang mapalaya si Sajid Ampatuan dahil pinayagan ng korte na mag-post ng bail. Sa kanyang post ay kitang-kita ang sobrang disappointment niya at sinabing wala na raw talagang pag-asang magkaroon ng pagbabago sa ating bansa.
“My leader @ricardopenson i am leaving the Motherland ASAP, i am sorry gentlemen and women of the Katipunan, no room for change in this country, all this i cannot bear to witness any longer @omengqForgive me my everdearest mother,” bahagi ng post ni Binoe.
When asked kung seryoso ba siya sa kanyang post, ani Robin ay hindi raw ito ang tamang panahon para pag-usapan ang personal na bagay dahil nakakahiya naman daw sa Ascof.
“Pero isa lang ang sasabihin ko sa inyo, hindi ako magpo-post ng isang bagay na hindi ako seryoso. ‘Yun lang po, tapusin muna natin ‘to,” he said.
Samantala, timing na timing pala ang offer ng Ascof kay Binoe dahil matagal na palang organic lifestyle ang pinaiiral nila ng asawa na si Mariel Rodriguez.
Nang una nga raw i-pitch ni Mariel ang Ascof sa kanya, medyo hesitant siya dahil ayaw niya ng kung anu-anong gamot. Pero napatunayan niya na organic and natural talaga ang nasabing cough medicine dahil isinama pa sila ng Pascual Consumer Healthcare Corp sa 40-hectare farm sa Nueva Ecija kaya pumayag na siya agad.
Nagsimula raw maging organic ang pamumuhay niya simula nang mapangasawa niya si Mariel.
“Si Mariel, eh bata pa. Eh siguro, nagiging masyado na ‘kong madrama at tuwing nagkukuwentuhan kaming mag-asawa, lagi kong sinasabi sa kanya, eh sigurado, mauuna akong papanaw.
“Ang lagi niyang sinasabi, ‘hindi, pahahabain ko ang buhay mo, hindi pupwedeng mauna ka.’ Alam mo naman ‘yang mga pag-ibig, corny minsan ‘yan,” nangingiting sabi ni Robin.
“Eh ang naging solusyon, maging organic. Kasi, alam mo, sa iba’t ibang bansa lalo na sa mga tinatawag nating first world countries, organic na talaga sila at ‘yun ay pinaniniwalaan ng scientific at clinical studies na talagang effective.
“Kaya si Mariel, unti-unti, ‘yung unang taon naming dalawa, talagang dahan-dahan, nag-o-organic na kami. Una kasi siyempre, binibili mo pa ‘yan, eh. Wala ka pa namang knowledge.
“’Yung 2nd year namin, nagpupunta na kami sa iba’t ibang bansa, pinag-aaralan na namin kung ano ‘yung organic. Nakarating kami ng Sweden, nakarating kami ng Spain, kasi katulad sa Sweden, organic talaga ang mga tao ro’n.
“’Yung 3rd year namin, nagtatanim na po kami. Si Mariel, nasa organic farming na po siya ngayon. Ganu’n na po kami kaseryoso sa organic,” patuloy ni Binoe.
Kaya nang dumating daw sa kanya ang offer ng Ascof Lagundi na maging endorser at dalhin sila sa napakalaking 40-hectare-farm sa Nueva Ecija ay nagulat sila.
“Kasi, nag-aaral pa si Mariel ng organic farming sa General Santos, Sarangani pa. Hindi namin alam na mayroon pala sa Nueva Ecija 1 ½ hours away,” say pa niya.
“Kaya para sa amin pong mag-asawa, ‘yung ginagawa po namin para humaba ang aming love story, pag-ibig po ito, itong istorya namin dito, organic na pamumuhay.”
At napakaganda naman daw ng naidudulot nito sa kanyang kalusugan at pangangatawan.
“Kung napapansin n’yo po, nun’g ako’y nasa panahon po natin, nun’g tayo’y nasa kadiliman, droga, kahit po ‘yan i-research n’yo, parang buwan-buwan po ay nasa ospital ako, bata pa ‘ko no’n.
“Eh ngayon ho, magmula nun’g nag-organic ako, wala po kayong mababalitaan na ako’y naospital. ‘Yan ho ang isang bagay na ipagyayabang ko. At kung puwede lang nga hong maghubad dito, ipapakita ko sa inyo ang katawan ko,” sabi ni Binoe kaya nagsigawan ang lahat at nagsabing “Go!”
Pero natatawa niyang say, panoorin na lang daw ‘yung bago niyang commercial for Lagundi.
“Ako po ay very lean. At masasabi ko po na kahit hawakan n’yo ang mukha ko ngayon, wala po ‘yang tulong ng kahit na sinong derma, hindi po ako nagpapa-derma. Wala po akong bahid ng kahit anon’g “salamat dok.”
Dagdag pa niya, very healthy siya talaga sa ngayon at sabi raw ng kaibigan niyang doktor, “you have a body of an 18-year-old man.
“’Yung performance naman ho, siguro, si Mariel na lang ang tanungin n’yo,” natatawang say ni Binoe.
- Latest