Imago (58)
NAPAPIKIT si Maya habang ang matinis na ingay ng bumagsak na susi ay patuloy na umaalingawngaw sa pasilyo. Sa itaas ng hagdanan, ang dating mabagal at nag-aalangan na yabag ay mabilis na napalitan ng marahas at nagmamadaling pagtakbo pababa.
Narinig na ng lalaki ang ingay. Wala nang oras para magdalawang-isip.
Agad na lumuhod si Maya sa ma?lamig na semento. Sa gitna ng walang-katapusang kadiliman, pabalik-balik na kinapa ng kanyang kamay ang sahig upang hanapin ang mga nabitawang susi. Ang magaspang at malamig na lapag ay gumagasgas sa kanyang mga palad, ngunit hindi niya iyon ininda habang ang kanyang kanang kamay ay nanginginig na nakahawak pa rin sa pipe wrench.
Sa kanyang itaas, isang matalas na sinag ng puting flashlight ang biglang sumilip mula sa hagdanan. Ang ilaw ay pabalik-balik na gumagalaw sa mga pader, humihiwa sa dilim at mabilis na lumalapit sa kanyang kinaroroonan.
Bumilis ang tibok ng kanyang dibdib, halos sakupin ang buong pag-iisip niya. Sa gitna nang matinding panic, tumama ang kanyang mga daliri sa isang malamig at matigas na bagay sa sulok ng pader.
Nakuha niya ang mga susi.
Mabilis siyang tumayo, inihanay ang ikatlong susi sa butas at pilit itong pinaliko. Sa isang malakas na click, sa wakas ay bumukas ang mabigat na pintuan ng Storage Room C.
(Itutuloy)
- Latest

















