Brusco culture, wakasan na
DAHIL ako’y maingat magmaneho at sumusunod sa batas-trapiko, madalas kahit ako ang may right of way o karapatang unang dumaan, iniilawan ako ng motoristang wala sa lugar na tila sinasabing, “Hoy, paraanin mo ako, hindi uso rito ang right of way.” Dito sa atin, ang ganitong pag-ilaw ay simbolo ng panggigipit.
Iba ang naging karanasan ko sa Auckland, New Zealand. Malapit na ang sinasakyan kong kotse sa isang intersection, ‘yong motoristang may right of way ay nag-ilaw na tila sinasabing, “Ako ang may right of way, pero pinapayagan kita na ikaw ang unang dumaan.” Doon sa New Zealand, ang ganitong pag-ilaw ay simbolo ng pagbibigay.
Napakaganda ng kulturang umiiral sa kalsada sa isang progresibong bansa na tulad ng New Zealand, kultura ng paggalang at pagbibigay. Sa atin, nakalulungkot mang sabihin, ang umiiral ay ang tinatawag na “brusco culture,” kultura ng panlalamang at magaspang na pag-uugali. Ang nakapananaig ay hindi kung sino ang tama, kundi kung sino ang makapal ang mukha at hindi marunong mahiya.
Sa progresibong bansa, ang pedestrian lane ay isang sagrado at ligtas na lugar sa isang tumatawid, sapagkat doon ay laging siya ang may right of way. Hindi siya maaaring unahan ng anumang sasakyan, kahit na ang nakasakay pa rito’y mataas na opisyal ng gobyerno. Sa sandaling makatapak ang sinumang tumatawid sa unang linya ng pedestrian lane, ang mga sasakyan, kahit malayo pa, ay obligadong huminto.
Dito naman sa atin, nasa kalagitnaan na ng pedestrian lane ay inuunahan pa ng mga motorista. Kung sabagay, sa mga bansang iyon, walang tumatawid sa hindi pedestrian lane. Dito naman sa atin, madalas ang pedestrian lane ay tila pang-display lang, dahil ang mga tao ay kung saan-saan tumatawid.
Totoong ang kakulangan ng malalapad na daan at sobrang dami ng sasakyan ang dahilan ng grabeng trapiko dito sa atin, lalo na sa Metro Manila. Pero may malaking kontribusyon ang brusco culture sa problema ng mabigat na trapiko. Kumakapal ang trapiko dahil sa dami ng motoristang makapal ang mukha. Ang malungkot, kung sino pa ang nasa gobyerno ang madalas magpamalas ng brusco culture; kung sino pa ang nabubuhay sa pagmamaneho, brusco culture ang inaalmusal, mga jeepney, taxi, bus at angkas driver.
Ang mga nagmomotorsiklo, grabe kung magbrusco ng mga sasakyang apat ang gulong, akala mo’y mga walang kamatayan. Mapapabuntunghininga ka na lang sa kaliwa’t kanang pagsingit ng mga nagmomotorsiklong walang paggalang sa kapwa.
Ipinagmamalaki ni Presidente BBM ang programa ng administrasyon sa pagtatatag ng bagong Pilipinas. Para sa akin, ang unang pagbabagong dapat nating makita ay ang pagbabalik ng disiplina sa lansangan.
Noong administrasyon ng yumaong si Presidente Noynoy, ipinagbawal ang wangwang. Napakaraming natuwa sa simpleng hakbang na ito. Ngayon, kailangang laliman ang pagbabawal. Ang dapat ipagbawal ay ang brusco culture. Alisan ng lisensiya ang makakapal ang mukha at mapanlamang. Higpitan ang paggalang sa right of way.
Ang lansangan ang showcase, ang pruweba ng isang lipunang may disiplina at paggalang sa karapatan ng bawat tao. Kung dito lamang ay mabibigo tayo, wala tayong maaasahang bagong Pilipinas na maitatayo.
Wakasan na natin ang brusco culture, sapagkat nabibilang ito sa panahon ng stone age at hindi sa panahon ng information age.
- Latest