EDITORYAL — Patuloy ang pagkalat ng fake news

KAHIT nagsagawa na ng inquiry ang House Tri-Committee sa mga nagpapakalat ng fake news sa social media, hindi pa rin nababawasan ang mga gumagawa at nagpo-post ng maling impormasyon. Hindi man lang natakot sa banta na kakasuhan ang mga nagpapakalat ng fake news.
Ang pagkalat ng mali at inimbentong balita ay ikinababahala ng mamamayan. Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 59 percent ang nagsabi na nakababahala ang pagkalat ng fake news at itinuturing nilang seryosong problema.
Nang maaresto si dating President Duterte noong Marso 11 at dinala sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crime against humanity, dumami ang nagpakalat ng fake news. Maraming pekeng balita na rumagasa sa social media na naghatid ng pangamba sa mga tao.
May kumalat na balita na magkakaroon ng shortage sa pagkain, gamot, tubig at iba pa. Magkakaroon daw ng panic buying. Magkakaroon daw ng brownout kaya ihanda na ang generator at power bank. Sabi pa, lulusubin daw ang mga supermarket at pati banko kaya i-withdraw na ang lahat ng pera.
Kumalat din na nagkaroon ng mass resignation sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang pagpapakita ng suporta kay dating President Duterte. Dismayado na raw ang mga sundalo at pulis sa nangyayari sa bansa.
Sa House inquiry na ginawa noong Biyernes, nakaharap ng mga mambabatas ang anim na vloggers na nagpakalat ng fake news at iba pang pamimintang na idinaan sa social media. Umamin ang ilang vloggers at nag-sorry sa kanilang ginawang pagpapakalat ng maling inpormasyon. May isang vlogger na umiyak nang murahin ng isang mambabatas na nairita na sa mga post na laban sa kanya.
Nag-sorry ang vloggers na sina Krizette Laureta Chu, editor ng pahayagan; Mary Jane Quiambao Reyes at Mark Lopez kay Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante. Inamin nila na “misleading at unverified” ang kanilang pinost sa social media. Hindi na raw nila uulitin.
Inamin ni Chu, na ang kanyang mga pinost ay galing lamang sa news reports at wala itong pinanghahawakang mga dokumento para suportahan ito. Umiyak si Chu makaraang pangaralan ni Abante. Ilan sa mga kongresista ang nakatikim din ng panlalait sa vloggers at may sinabihan pang “demonyo”.
Pero sa kabila na may umamin at nag-sorry sa ginawang kasalanan, nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon ang pagpapakalat ng maling inpormasyon sa social media. Hindi pa rin nababawasan. Nararapat nang may masampolan para matigil ang pagpapakalat ng maling inpormasyon. Ang pagkilos ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inaasahan para masawata ang mga ito.
- Latest