‘Ligaw’ (Part 1)
NANGYARI ito noong Abril 1982 na niyaya kami ni Benjo sa kanilang probinsiya para magbakasyon. Tatlo kaming niyaya ni Benjo—ako, si Ping at si Kit. Magkakaibigan kami at magkakaeskuwela sa UST. Kaga-graduate lamang namin noon. Sabi ni Benjo, gusto niyang makita naming tatlo ang kanilang farm na ng mga panahong iyon ay namumunga na ang iba’t iba nilang tanim. Marami raw prutas at talagang magsasawa kami.
“Para naman maranasan ninyo na kumain ng prutas na hinog sa puno. Pawang pahinog sa kalburo ang natitikman ninyong prutas dito sa Manila. Doon, pipitasin at kakainin ang prutas. Magsasawa kayo,’’ sabi ni Benjo. Sa aming apat na magkakaibigan, si Benjo ang mayaman.
“Ikaw Anjo, nakatikim ka na ba ng pinya na hinog sa puno?” tanong niya sa akin.
“Hindi pa!’’
“Puwes ihanda mo ang sarili dahil pipitas tayo ng mga pinya at dun natin tatalupan at saka lalantakan. Sarap! Tamang-tama, tag-init!’’
“E dalandan, meron din kayo Benjo?’’ tanong ni Ping.
“Meron. Magsasawa kayo sa kapipitas!’’
“E pakwan?” tanong ni Kit.
“Napakarami at napakatamis. Makikita n’yo at mararanasan ang mga sinasabi ko.”
Sasakyan ni Benjo ang ginamit namin. Umalis kami ng alas singko ng umaga at bago mag-alas tres ay nasa probinsiya na kami ni Benjo.
Tama ang sabi niya, napakaraming prutas!
Pero ang pinagtataka ko, parang may nagmamasid sa amin habang namimitas ng prutas! Nararamdaman ko!
(Itutuloy)
- Latest