Mayang (66)
KINABUKASAN, maagang nagpunta si Jeff sa tirahan ni Mam Araceli sa Hidalgo St. Naipangako niya kay Mam Araceli na pupunta para maikuwento sa guro ang mga nangyari.
Naghihintay na si Mam Araceli sa kanya.
“Pasok ka Jeff,’’ anyaya ni Mam Araceli.
Pumasok si Jeff.
“Maupo ka.
“Salamat Mam. Nag-iisa ka po yata?’’
“Oo. Ang pamangkin ko ay pumasok sa kanyang trabaho diyan sa MLQU.’’
“Ah. E, kumusta naman po ang lagay mo Mam?’’
“Okey naman ako. Next month ay nakatakda akong operahan sa breast. Nagdarasal ako na maging maayos ang operasyon at sana rin magng cancer free na ako.’’
“Ipagdarasal kita Mam.’’
“Salamat Jeff.’’
“Naniniwala po ako na gagaling ka. Lubusang mawawala ang cancer sa katawan mo.’’
“Maraming salamat.’’
“Ang mga katulad mo Mam ay pinagpapala at naliligtas sa anumang karamdaman.’’
Napaiyak si Mam Araceli.
Maya-maya pinahid nito ang luha.
“Pasensiya ka na naiyak ako.’’
“Okey lang Mam.’’
“Ikuwento mo nga sa akin ang nangyari at naging biktima ka ng sindikato. Kasi malabo pa rin sa akin kung paano ka na-abduct ng dalawang criminal.
Ikinuwento ni Jeff nang buung-buo ang mga pangyayari kung paano siya napunta sa bahay ni Puri na sa dakong huli ay ito pala ang magiging kakutsaba ni Henry.
Hindi makapaniwala si Mam Araceli pagkatapos maikuwento ni Jeff ang mga nangyari.
“Ibig mong sabihin, kaibigan ni Mayang si Puri?’’
“Opo Mam. Nagkakilala sila sa Abu Dhabi. Ipinakilala naman ako ni Mayang kay Puri.’’
“Pero bakit nagawa kang biktimahin ni Puri gayung kaibigan siya ni Mayang.’’
“’Yan nga po ang ipinagtataka ko Mam. Hindi ko akalain na magagawa niya yun sa nobyo ng kanyang kaibigan.’’
(Itutuloy)
- Latest