Peryahan: Ano ba talaga Sen. Bato Sir?
NAGBUKASAN na ang mga peryahan sa Luzon at pinapanood lang sila ng kapulisan. Bakit? Ginagamit kasi ng mga peryante ang pangalan ni Senator Bato de la Rosa para hindi gambalain ng kapulisan ang illegal na negosyo nila. Ang intiende pala ng mga peryante, sa sinabi ni Bato sa Senate hearing ay pinayagan silang magbukas at hindi sila gagalawin ng mga pulis.
Napanood ng Dipuga ang Senate hearing ni Bato sa Committee on Public Safety and Dangerous Drugs at maliwanag pa sa sikat ng araw na ang sinabi n’ya ay status quo muna ang mga peryahan. Ang ibig niyang sabihin, puwedeng mag-operate ang mga peryante subalit walang sugal at puro rides lang. ‘Ika nga, walang color games, drop ball at iba pang sugal.
At sa kapulisan naman, ‘wag muna mang-raid hanggang ilabas ng Department of Justice (DOJ) ang resolution nila kung ang color games, drop ball, et al ay legal o illegal. Mismooo!
Napansin ng mga kosa ko na nitong nakaraang mga araw, nagbukasan ang peryahan sa Luzon, lalo na ang miyembro ng Perya Industry of the Philippines Association (PIPA) na ang presidente ay si Eiv Mendoza. May color games at drop ball pa. Hindi makakilos ang kapulisan dahil sa pananakot ng mga peryante na magsusumbong sila kay Bato. Araguyyy! Tsk tsk tsk!
Alam naman natin mga kosa na kahit papaano malakas si Bato sa PNP kasi dating PNP chief siya. Eh di wow! Kaya dapat linawin ni Bato kung ano ba talaga ang official stand niya sa peryahan, bago madungisan ang pangalan niya at maapektuhan ang reelection bid niya sa 2025 local elections. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Dito naman sa Central Luzon, sumulat ang grupo ni Mely Bautista sa kapulisan na mapabuksan na sila dahil naghihirap na ang kanilang mga empleyado. Si Bautista ay may halos aabot sa 90 miyembro at iginigiit n’ya na wala silang kinalaman o kinunsulta man lang ng PIPA para idulog sa Senado ang kanilang problema.
Ang PIPA ay may walong miyembro lang sa Central Luzon, ani Bautista. “Kami ay matiyagang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang lugar sa Sentral Luzon upang patuloy na makapaghatid sigla at ligaya sa mga parukyanong local na karnibal,” anang grupo ni Bautista. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sa pagpatuloy ni Bautista: “Kami ay kusang loob na nagbibigay ng iba’t ibang uri ng suporta sa iba’t ibang grupo sa komunidad, kasama na rito ang pagtataguyod ng mga programa ng kapulisan sa kanilang police community relation activities at makapag-ambag ng maliit na paraan gaya ng pamumigay ng writing pads, sapatos, tsinelas, gupit, dental health services, education assistance at marami pang iba,” ayon pa sa sulat.
Hindi lang ‘yan, tumutulong din ang tropa ni Bautista sa mga katutubong Aeta, Dumagat at mga kapuspalad na mga kabataan at kababaihan. Wow na wow! Hehehe! Marami palang nakikinabang sa peryahan, ‘no mga kosa?
Ang catch lang, nagbukas din ng color games at drop ball ang mga miyembro ni Bautista at hindi sila takot sa kapulisan dahil hindi sila huhulihin ayon kay Bato. Araguyyyyy! Walang “timbre” pa ‘yan ha? Hinihintayin ng PNP ang paliwanag ni Bato sa paggisa ng mga peryante sa pangalan niya. Abangan!
- Latest