Pinakamalaking gagamba na nahuli sa Australia, idinonate para sa antivenom program!
ISANG Funnel Web Spider na tinaguriang pinakamalaki sa kanyang specie ang idinonate sa Australian Reptile Park upang gamitin sa antivenom program na nakapagliligtas nang maraming buhay sa Australia.
Ang gagamba na pinangalanang “Hercules”s ay nahuli sa North South Wales, Central Coast. Ito ay may laking 3.11 inches at nahigitan nito ang pinakamalaking gagamba sa Australian Reptile Park na si “Colossus”.
Ang mga Funnel Web Spider ay kalimitang may sukat na 2 inches kaya ikinagulat ng mga tagapamahala ng Australian Reptile Park ang pambihirang laki ni Hercules. Ang mga lalaking Funnel Web Spider ay may malakas na kamandag at ang kagat nito ay kayang pumatay sa loob lamang ng 15 minutes. Malalaki at matulis din ang mga pangil nito na kayang bumutas ng kuko ng tao.
Ayon sa Australian Reptile Park, para silang naka-jackpot nang idinonate sa kanila si Hercules. Isasailalim nila si Hercules sa kanilang Antivenom Program kung saan kukuhanin nila ang kamandag o venom nito.
Ang venom na makukuha nila kay Hercules ay gagamitin bilang sangkap sa antivenom drug na itinuturok sa mga natuklaw ng ahas, nakagat ng gagamba at iba pang makamandag na hayop.
Dahil sa antivenom program na ito, mahigit 300 katao na nakagat ng mga makamandag na hayop ang nailigtas ang buhay taun-taon.
- Latest