University professor sa U.S., nais ipadala sa buwan ang kanyang dna sa pag-asang iko-clone ito ng mga alien!
ISANG 86-anyos na retired physics professor sa Kansas ang nagbigay ng huling habilin sa kanyang pamilya na ipadala sa buwan ang kanyang DNA dahil sa tingin niya ay kukunin ito ng mga alien para isailalim sa cloning.
Bata pa lamang si Ken Ohm ay pangarap na niyang maging astronaut at makapaglakbay sa outer space. Ngunit nang mag-apply siya sa NASA pagkatapos magkolehiyo, hindi siya natanggap dito dahil masyado siyang matangkad sa height na 6’2. Nang mabigo sa pagiging astronaut, nag-focus si Ohm maging isang magaling na university professor at magsulat ng mga libro. Ngayong siya ay 86-anyos na, nagbalik ang kagustuhan niya na makarating sa buwan sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanyang DNA sa oras na siya ay yumao.
Sa tulong ng Texas-based company na “Celestis”, ipadadala nito sa buwan ang iniwang DNA sample ni Ohm. Gamit ang spacecraft, dadalhin ng Celestis ang DNA o cremated ash ng kanilang mga kliyente sa bahaging south pole ng lunar surface.
Simula pa noong 1994, nakapagpadala na sa outer space ang Celestis ng 17 na DNA at cremated ashes. Sa ngayon, dumarami na ang nagiging interesado sa tinatawag nilang “memorial spaceflights” dahil hindi nalalayo ang presyo ng kanilang serbisyo sa pangkaraniwang funeral service sa U.S.
Umaasa si Ohm na kapag lumapag na sa buwan ang kanyang DNA, may mga alien o advanced extraterrestrial creatures na kukuha nito at isasailalim ito sa cloning. Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng $2,500 (katumbas ng P138,000) hanggang $12,500 (P694,000) ang “memorial spaceflights” ng Celestis.
- Latest