Gaano katagal ang preventive suspension?
Dear Attorney,
Sinuspinde po ako sa trabaho halos dalawang buwan na ang nakakaraan dahil daw diumano sa dishonesty. Hanggang ngayon po, hindi pa rin ako pinapapasok at kapag nagtatanong ako sa HR namin kung kailan ako makakabalik sa trabaho ay sinasabihan lang ako na hindi pa raw tapos ang imbestigasyon sa kaso ko. Hanggang kailan po ba dapat ang suspensiyon sa trababo? —Jun
Dear Jun,
Ayon sa Omnibus Rules Implementing the Labor Code, ang preventive suspension ay maaring magtagal lamang ng hanggang tatlumpung (30) araw. Pagkalipas ng 30 araw ay kailangan nang pabalikin ang employee sa kanyang trabaho. Bagama’t maaring palawigin ang panahon ng suspension ng higit sa 30 araw, kailangan ng bayaran ang empleyado ng kanyang sahod at ibang benepisyo sa loob ng extended na panahon ng suspension.
Kung totoong hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa kaso mo kaya pinalawig ang suspensyon mo ay kailangang bayaran ng employer mo ang halagang dapat ay sinuweldo mo kung ikaw ay pinabalik na nila sa trabaho matapos ang iyong preventive suspension.
Kaya kung hanggang ngayon ay hindi ka pa rin pinapabalik sa trabaho at hindi ka pa rin binabayaran ng dapat sinasahod mo ay maari ka nang magsampa ng reklamong constructive dismissal at para masingil mo rin ang iyong dapat kinita matapos lumagpas sa 30 na araw ang iyong suspensiyon.
- Latest