Kalungkutan nagdudulot ng sakit at kamatayan
ANG kalungkutan ay isa sa karaniwang mga damdaming nararanasan ng sino mang tao, mula bata hanggang matanda, babae man o lalaki. Nararamdaman niya ito sa kanyang pag-iisa, sa mga panahon ng kabiguan at pagkatalo at hamon sa buhay, pagkakasakit, pagkamatay ng mahal sa buhay, kapansanan sa katawan, awa sa sarili, pangungulila, pagkapahiya, sa mga pagkakataong natatakot siya, nag-aalala, at nangangamba.
Ganito rin ang nararamdaman ng mga nabibiktima ng pang-aabuso, pagmamaltrato, pananakit, at ng tinatawag na bullying. May mga taong nalulungkot sa mga masasayang okasyong tulad ng Kapaskuhan, anibersaryo, kahit sa kanyang kaarawan, at lalo na kapag Valentine’s Day.
Marami na namang nagkalat na mga impormasyon o gabay kung paano maiibsan ang kalungkutan. Hindi naman iyan maiiwasan dahil kasama na ito sa likas na damdamin ng tao pero hindi rin naman mainam na hayaan itong tumatagal. Kailangan mo ring mag-move on. Kailangan din namang harapin kausapin, gabayan at palakasin ang loob ng mga taong dumaraan sa panahon ng kalungkutan. Bakit?
Malaki kasi ang epekto ng kalungkutan sa kalusugan ng tao. Nakakapagdulot ito ng iba’t ibang sakit at kamatayan. Nakasaad nga sa isang science article sa El Pais na natuklasan ng mga scientist na ang kalungkutan ay nagpapadagdag sa panganib sa sakit sa puso o cardiovascular disease, stroke, dementia, at depression.
Matinding kalungkutan din ang nagtutulak sa ibang tao na magpatiwakal. Ayon sa World Health Organization, pinaiikli ng kalungkutan ang buhay ng mas matatandang mga tao, nakakapinsala sa pag-iisip at binabawasan ang kalidad ng buhay.
Ayon sa 2015 scientific review, ang kalungkutan, paglayo sa ibang mga tao at pamumuhay nang mag-isa ay nagpapataas ng peligro sa kamatayan nang 26%, 29% at 30%, ayon sa pagkakasunod. Nakakasakit at nakakamatay din ang kawalan ng kasama sa buhay.
Inaamin ng mga eksperto na kulang pa ang malinaw na pag-unawa kung bakit nakakapagdulot ng sakit ang kalungkutan. Isa sa mga teorya rito ay ang neuroendrocrine response na binubuhay ng kalungkutan. Sinasabi sa isang British study na lumabas sa Journal of the Royal Society of Medicine na ang mga malungkot na tao ay nagpapamalas ng mataas na aktibidad ng hypothalamic-pituitary-adrenal axis na isang increased response sa chronic stress, mataas na blood pressure at high blood cortisol levels. Ang pagtaas ng level ng physiological mechanism na ito ay kunektado sa pagtaas ng peligro sa cardiovascular disease at kamatayan.
Ayon kay María Rosa Fernández, presidente ng Vascular Risk and Cardiorespiratory Rehabilitation Association ng Spanish Society of Cardiology, nagiging aktibo ang hypothalamic-pituitary-adrinal axis sa mga stressful situation at ang kalungkutan ay nagdudulot ng stress.
Ipinunto sa British study na, sa perspektibang sikolohikal, ang kalungkutan ay kunektado sa mas mataas na mga kaso ng depression at suicide at sa mga kaugnay na mga ugali na nagbubunga sa sakit sa puso. May mga taong malungkot na nagugumon sa sigarilyo, alak at ibang masasamang bisyo, walang ehersisyo at hindi kumakain ng masusustansiyang pagkain na pawang nakakasira sa kanilang kalusugan.
Sinasabi pa ng mga eksperto na walang gamot sa kalungkutan pero merong mga istratehiyang makababawas sa masamang epekto nito.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest