Bumubukal ang pag-asa
SA isang tula, sinabi ni English poet Alexander Pope, “Bumubukal ang walang-kamatayang pag-asa sa puso ng bawat tao.” Sa palagay ko, ang sinabing ito ni Pope ay tamang-tama, swak na swak, sa ating mga Pilipino. Isang pruweba: Inilabas kamakailan ng Social Weather Stations (SWS) ang resulta ng pambansang survey nito na nagsasabing siyam sa bawat 10 Pilipino o 93% ay humaharap sa 2022 na punumpuno ng pag-asa. Pitong porsiyento lamang ang tumatanaw sa bagong taon na puno ng takot.
Ginawa ng SWS ang survey sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic na nagpabagsak sa ekonomiya ng Pilipinas sa katulad na antas pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa panahong tumama sa kalupaan ng Pilipinas ang mapangwasak na Bagyong Odette. Kung mayroon man tayong yaman na hindi nauubos, ito’y ang pag-asa. Wika nga ni Pope, parang tubig na bumubukal.
Ang bumubukal na pag-asa ang isang kalakasan natin na napapatunayan sa panahon ng matinding trahedya. Hindi tayo basta sumusuko. Gaano man kadilim ang kasalukuyan, lagi nating tinatanaw ang araw ng bukas ng may pag-asa. Ang pinag-uugatan nito’y ang ating pagiging relihiyoso na sinasalamin ng paborito nating kataga, “May awa ang Diyos.” Humahawak tayo sa habag ng Diyos kaya hindi tayo nauubusan ng pag-asa at dahil dito’y madali tayong nakakabangon mula sa matinding dagok ng buhay. Ang tawag dito’y resiliency na dito sa atin ay sinisimbolo ng kawayan. Tayo’y kasing-tatag ng kawayan.
Gayunman, ang kalakasan natin ang siya rin nating kahinaan. Dahil sa bumubukal na pag-asa, mahaba ang ating pasensiya sa nasasaksihan nating katiwalian at pagsasamantala. Napagpapasensiyahan natin ang talamak na kawalang kakayahan ng marami nating pinuno. Iniluluklok muli natin sa kapangyarihan ang mga pulitikong nasangkot sa katiwalian at pandaraya. Inihahalal natin maging ang mga walang rekord ng magandang nagawa para sa bayan.
Hindi na katangian ang bumubukal na pag-asa kung ito’y nagiging dahilan ng hindi natin pagkibo sa harap ng kasinungalingan, ng hindi natin pagkilos sa harap ng pagsasamantala. Ang bumubukal na pag-asa’y hindi dapat humantong sa pagwawalang-bahala na pinakamatinding kaaway ng makabuluhang pagbabago. Bagama’t punumpuno tayo ng pag-asa, kailangang magalit tayo sa mga bagay na ikinagagalit ng Diyos at matuwa sa mga bagay na ikinatutuwa ng Diyos. Oo, nasa Diyos ang awa, ngunit huwag nating kalilimutan, nasa tao ang gawa.
Wika ni Albert Einstein, “Kinakailangang matuto tayo sa kahapon, mabuhay sa kasalukuyan at umasa sa kinabukasan; ngunit ang mahalaga’y huwag huminto sa pagtatanong.” Itanong natin kung paanong ang bumubukal nating pag-asa’y hindi magiging dahilan para makalimutan ang kahapon, mawalan ng kabuluhan ang kasalukuyan, at umasa sa maling pag-asa sa kinabukasan.
False hope ang tawag sa maling pag-asa sapagkat malayo ito sa katotohanan at halos imposibleng magkatotoo. Suriin ang mga salita at pangako ng mga pulitiko, baka sila’y eksperto sa pagbibigay ng mga maling pag-asa. Kapag tayo’y nagpaloko sa kanila, lalong magkakaloko-loko ang ating buhay bilang isang bansa.
Ilagay natin sa tamang kalalagyan ang ating bumubukal na pag-asa. Kung tama, siguradong makaaahon tayo. Ngunit kung mali, lalo tayong mababaon sa hukay ng kawalang-pag-asa. Huwag tayong umasa sa pag-asa, sapagkat ang umaasa sa pag-asa ay wala nang pag-asa. Sa halip, umasa tayo sa ating mga sarili, at higit sa lahat, sa Diyos ng pag-asa.
- Latest