EDITORYAL - Mga bastos na pangalan sa learning module
ILANG taon na ang nakararaan, umani ng batikos ang mga maling spelling, petsa at ang mga hindi tamang lugar sa textbooks na ginagamit ng mga estudyante sa high school. Kasunod niyon ay ang mga maling grammar naman ang pinuna na masyado nang nakababahala sapagkat walang napupulot ang mga estudyante. Masyado nang naliligaw ang mga estudyante sa mali-maling gamit ng salita.
Ngayon naman, mga bastos na pangalan ang nakasaad sa learning modules na ginagamit ng mga senior high school students. Matindi ito sapagkat ang pangalan na binanggit sa modules ay talagang bulgar ang kabastusan. Ang mga pangalan ay naglalarawan ng kalaswaan o kamunduhan.
Ilan sa mga pangalang bastos na ginamit sa module ay “Pining Garcia”, “Malou Wang’’, “Abdul Salsalani’’, at “Tina Moran”. Ang mga pangalang ito ay may mga kahulugan na hindi nararapat mabasa ng mga estudyante. Nakapagtataka kung bakit ang mga pangalang ito ang naisip ng gumawa ng modules. Hindi na ba siya nakaisip ng desenteng pangalan? Sa mga pornographic materials lamang ginagamit ang mga pangalan na naisip ng gumawa ng modules.
Natunton ang gumawa ng modules na isang guro sa bayan ng Palauig, Iba, Zambales. Humingi naman ng paumanhin ang association ng Catholic schools sa Iba dahil sa kontrobersiyal na learning module. Isang guro lamang umano ang gumawa ng nasabing module para sa philosophy subject ng mga senior high school students. Inalis na umano ang kontrobersiyal na modules at papalitan na ng bago. Maipapamahagi umano ang bagong module ngayong linggong ito.
Mabilis namang sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na hindi galing sa kanila ang modules. Gagawa umano sila ng hakbang para maparusahan ang gumawa ng mga bastos na pangalan sa module. Hindi umano ito mapapalampas ng DepEd.
Nararapat lamang na maparusahan ang gumawa ng learning module sapagkat hindi siya nag-iisip na mga kabataan ang babasa ng kanyang ginawa. Hindi dapat palampasin ang ginawa niyang pambabastos sa module. Hindi na siya dapat humawak ng ganitong kasensitibong trabaho. Nararapat namang pangalanan ang guro na gumawa ng module.
- Latest